DOLE handang tulungan ang apektado ng Public Utility Vehicle Modernization program

Ni NERIO AGUAS

Tinitiyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na makakaasa ng tulong ang mga jeepney drivers at operators na maaapektuhan ng Public Utility Vehicle Modernization Program.

Ito ang sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma kung saan ang tulong ay sa pamamagitan ng “enTSUPERneur” livelihood program.

Ayon sa kalihim, bawat apektadong transport worker ay bibigyan ng pinakamababang halaga na P30,000 in-kind livelihood assistance sa pamamagitan ng nationwide alternative livelihood program.

Sinabi pa ni Laguesma na mayroong listahan ng mga proyektong pangkabuhayan na maaaring piliin ng mga benepisyaryo, kabilang ang rice retailing, variety store at food stall establishment, animal raising, agricultural input provision, at tailoring, at iba pa.

“More than 4,500 na pong transport workers ang nabigyan ng ayuda, at iyon pong naibigay sa kanila ay umaabot na rin sa humigit-kumulang P123 milyon,” sabi ng kalihim.

“Itong taon na ito, mayroon pong naka-lineup na 1,500 transport workers na nagnanais ding makakuha, na habang nagnanais silang sana tuluy-tuloy ang kanilang talagang pangunahing hanapbuhay, ay matulungan natin, magabayan natin na mayroon silang alternatibong pagkakakitaan,” dagdag pa nito.

Sinabi ng kalihim na ang livelihood package ay naglalaman din ng mga materyales, inputs, at market linkages upang matulungan ang mga benepisyaryo.

Ang “enTSUPERneur” livelihood program ay pinagsamang inisyatiba ng DOLE, Department of Transportation (DoTr), Office of Transportation Cooperatives, at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Nang tanungin kung sapat na sakupin ng programa ang tinatayang 30,000 displaced jeepney drivers at operators na nabigong magsama-sama para sa modernisasyon, sinabi ng labor chief na ang mga ahensya ng gobyerno ay nagsasama-sama ng mga mapagkukunan para sa programa.

“Mayroon din nga pong direktiba ang ating Pangulong Bongbong Marcos Jr. na mag-converge ang mga departamento na mayroong resources na puwedeng pagsama-samahin at matulungan po ‘yung mga apektadong manggagawa,” ayon sa kalihim.

Samantala, ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay magbibigay sa mga jeepney workers, lalo na sa mga apektado ng modernization program, ng skills development training sa pamamagitan ng “Tsuper Iskolar” program nito mula noong 2019.

Ang programa ay nagbibigay ng libreng technical vocational skills training, assessment, at certification sa mga displaced drivers, operators, at kanilang mga miyembro ng pamilya, na may training allowance na P350 kada araw para sa maximum na 35 araw.

Leave a comment