
Ni NERIO AGUAS
Nadakip ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong illegal aliens na nagtangkang umalis ng bansa at pinaghahanap ng immigration agents dahil sa iba’t ibang kaso ng paglabag sa batas
Sa ulat kay BI Commissioner Norman Tansingco, ng border control intelligence unit (BCIU) ang 3 dayuhan ay naharang sa magkakahiwalay na insidente nitong nakaraang linggo.
Kinilala ng BCIU ang isa sa mga dayuhan na si Liu Shengtao, 44-anyos, Chinese national, na naaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Enero 14 bago makasakay ng eroplano patungong Singapore.
Nabatid na si Liu, ay fugitive wanted ng Chinese authorities dahil sa iba’t ibang kaso kung saan taong 2022 nang magtago ito sa Pilipinas gamit ang working visa.
Nakatanggap ng impormasyon ang BI hinggil sa kinasangkutang krimen ni Liu sa China noong Setyembre 2023.
Samantala, arestado naman ang isang Japanese national na nakilalang si Aoi Ikeda, 36-anyos, na naharang noong Enero 15 sa NAIA Terminal 3 habang papaalis ng bansa patungong Dubai.
Sa record, ilang reklamo na ang isinampa laban kay Ikeda sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkakasangkot nito sa isang kumpanya na umano’y nagpapatakbo ng mga scams.
Sinasabing tumatayong presidente ng isang Philippine-based business process outsourcing (BPO) company na nakabase sa Makati si Ikeda.
Huling nakita sa bansa si Ikeda noong Agosto 2023 sa ilalim ng working visa at ngayon ay nahaharap sa deportasyon dahil sa pagiging undesirable alien.
Isa pang dayuhan na nakilalang si Chai, Kaw-Sing, 48-anyos, isang Taiwanese national, na naharang sa NAIA Terminal 3 nang tangkain nitong umalis ng bansa sakay ng Cathay Pacific flight patungong Hong Kong.
Ayon kay Tansingco, huling pumasok sa bansa si Chai na may dalang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Business Travel Card (ABTC), na ibinibigay sa mga indibidwal at opisyal ng gobyerno na nakikibahagi sa negosyo ng APEC.
Subalit natuklasan na si Chai ay nasa datos ng Interpol Red Notice dahil sa maanomalyang fundraising.
“The Philippines is not a haven for criminals. The BI is committed to ensure that fugitives are brought to justice, and we stand ready to collaborate with our international partners to maintain the integrity of our borders and uphold the rule of law,” babala pa ni Tansingco.
Ang tatlong dayuhan ay nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig habang nakabinbin ang kanilang summary deportation.
