
Ni NOEL ABUEL
Inamin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isang edited picture ang sinasabing nag-iisang nanalo sa Lotto 6/42 jackpot at nag-uwi ng P43 milyon.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means Subcommittee, sinabi ni PCSO General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles na edited ang nasabing larawan na nagpapakita na isang babae ang sinasabing lotto winner at may hawak na tseke.
Ngunit ipinaliwanag ni Robles na layunin ng pagtatago ng tunay na nanalo sa lotto ay upang maprotektahan ito kasabay ng paghingi ng paumanhin na hindi maganda ang pagkaka-edit sa larawan.
“We have to protect the identity of the winner. Meron pong nagreklamo sa amin one time. We covered the face. Eh ‘yung damit naman po ay nakilala. So, nagreklamo siya, sana naman daw po ‘wag ipakita naman po ‘yung damit. ‘Yan ang reason niyan,” sagot ni Robles sa tanong ni Senador Raffy Tulfo na .
“If there’s something we apologize for, it’s the poor editing, but it serves the purpose of concealing the identity. We’re sorry we’re not very good at editing the clothes. Tunay na tao po ‘yan,” sabi pa ni Robles.
Sa nasabing viral social media post, sinasabing mula sa San Jose Del Monte, Bulacan ang nagwagi sa Lotto 6/42 jackpot na nagkakahalaga ng P43,882,361.60 at kinubra sa PCSO Main Office noong nakalipas na Disyembre 28, 2023.
Isang 47-anyos na ginang ay umano’y nakakuha ng winning numbers na 18-34-01-11-28-04, na ibinase nito sa araw ng kaarawan ng pamilya nito at dalawang ‘special’ numbers na 28 at 34.
Una nang inihain ni Tulfo ang Senate Bill No. 2374, na naglalayong pag-aralan ang bagong polisiya na ipinatutupad ng PCSO.
“In its effort to address the issues raised by PCSO’s stakeholders, this committee continuously endeavoured to invite PCSO to shed light in all the controversies arising out of its move to transition to ‘E-Lotto”, sabi ni Tulfo.
“Halos kasabay ng nasabing panukala batas, ang PCSO ay lumagda sa isang memorandum of agreement (MOA) noong Agosto 30, 2023, para sa “One Year Test Run Period for Web-Based Application Betting Platform, isang pamamaraan upang mapatupad ng PCSO ang “E-Lotto” or the launching of new PCSO online games that would change the existing Lotto betting system,” sabi pa ni Tulfo.
Ayon pa sa senador, nagdulot ng matinding pangamba sa mga lotto agents na may kontrata sa PCSO ang nasabing kasunduan na maaaring magkansela sa kanilang “Agency agreement” at pagde-activate ng Lotto Terminal Cancelation Features na nagreresulta sa malakihang abono sa mga lotto agents.
