
NI NOEL ABUEL
Suportado ni Senador Win Gatchalian ang pagpapatupad ng Department of Education (DepEd) ng ‘Catch-Up Fridays’ upang iangat ang kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa.
Binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapatupad ng programa lalo na’t karamihan ng mga mag-aaral sa bansa ay hirap sa pagbabasa.
Ayon sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), 76 porsiyento ng mga mag-aaral na 15-taong gulang ang hindi taglay ang minimum proficiency sa Reading o pagbabasa.
Sa 2022 PISA, mababa pa rin ang average na 347 na marka ng Pilipinas kung ihahambing sa average na 476 na naitala sa mga bansang kasapi sa Organisation for Economic Co-Operation and Development (OECD).
Batay sa marka ng mga bata noong nagdaang PISA, naiintindihan ng mga 15-taong gulang na mga mag-aaral ng bansa ang literal na kahulugan ng mga pangungusap.
Inilunsad ng DepEd ang ‘Catch-Up Fridays’ noong Enero 12 na ipatutupad ang sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa elementarya at high school, pati na rin sa mga community learning centers (CLCs) sa buong bansa.
Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 001 s. 2024, ilalaan ang Drop Everything and Read activity sa lahat ng mga araw ng Biyernes sa buwan ng Enero.
Ayon sa DepEd memo, bahagi ang ‘Catch-Up Fridays’ ng National Reading at Mathematics Programs na parehong nasa ilalim ng National Learning Recovery Program.
Isinusulong din ni Gatchalian ang mga panukalang batas na magpapatatag ng kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbabasa kabilang na ang ang Senate Bill No. 1604 o ang ARAL Program Act na layong magpatupad ng isang national learning recovery program upang tugunan ang pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19.
Inihain din nito ang Senate Bill No. 475o ang National Reading Month Act na layong gawing institutionalized ang pagdiriwang ng National Reading Month tuwing buwan ng Nobyembre at isulong ang kultura ng pagbabasa.
