
Ni NOEL ABUEL
Inabsuwelto ng Sandiganbayan si Senador Jinggoy Estrada at dating negosyanteng si Janet Lim Napoles sa kasong plunder na kinasasangkutan ng mga ito kaugnay ng kontrobersyal na pork barrel scam.
Sa desisyong inilabas ng Sandiganbayan Fifth Division, walang ebidensyang magdidiin kay Estrada na sangkot sa plunder.
“Wherefore, in light of the foregoing premises, the court finds accussed Jose “Jinggoy” Ejercito Estrada and Janet Lim Napoles Not Guilty of Plunder based on reasonable doubt,” ayon sa desisyon ng anti-graft court.
Subalit sa kabilang banda ay pinatawan si Estrada ng isang kaso ng direct bribery na may katapat na parusang pagkakakulong ng 8-taon o prision mayor hanggang 9-taon at apat na buwan gayundin ang parusang temporary absolute disqualification at perpetual special disqualification sa right of suffrage at pinagbabayad ng multang aabot sa P3,000,000.00.
Gayundin guilty rin ang ipinataw ng Sandiganbayan sa dalawang kaso ng indirect bribery na may katapat na parusang dalawang taon at apat na buwan hanggang 3-taon at anim na buwang pagkakakulong sa bawat kaso.
Samantala, si Napoles, pinatawan ng limang counts ng Corruption of a Public Officials at dalawang counts ng kahalintulad ng paglabag kung saan hinatulan din ito ng pagkakakulong ng 8-taon hanggang 9-taon bawat kaso at pinagmumulta ng P29.62 milyon.
Pinagbabayad din si Napoles na bayaran ang pamahalaan ng P262 milyon.
Nag-ugat ang kasong plunder laban kina Estrada at Napoles, dahil sa paglilipat ni Estrada ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel sa bogus ma non-government organizations (NGOs) na pag-aari ni Napoles.
Kinasuhan si Estrada plunder dahil sa umano’y pagtanggap ng kickbacks na nagkakahalaga ng P55.79 milyon mula kay Napoles.
Sa ambush interview, sinabi ni Estrada na maghahain ito ng mosyon sa anti-graft court sa kasong direct bribery at indirect bribery.
“We will file the necessary motion for reconsideration before the Sandiganbayan. And yes I will instruct all my lawyers, again, to exhaust all legal options, all legal remedies,” sabi nito.
“It is only the direct or indirect bribery filed in the information sheet. It is only the case of plunder. And I have already been acquitted. I have been exonerated of plunder and I will ask my lawyers to exhaust all legal remedies, all legal options available for me. But I still believe in our justice system,” dagdag nito.
“Kahit matagal, maganda naman ‘yung resulta. Maganda naman ‘yung kinalabasan. Kaya ako ay nagpapasalamat. Unang -una sa ating Panginoon, pangalawa sa ating mga mahistrado dito sa ating Sandiganbayan, ‘yung aking pamilya who stood with me, stood by me, through thick and thin,” sabi pa ni Estrada.
