
Ni NERIO AGUAS
Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang US nationals na pawang nahatulang makulong dahil sa pagiging sex offenders sa kanilang bansa.
Ayon sa BI, naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nasabing mga dayuhan na sina Joseph Sami Sallaj, 30-anyos, at Eduardo Ison Balenbin, 72-anyos.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na si Sallaj, ay naharang sa NAIA noong nakalipas na Biyernes nang dumating sa bansa mula sa Taipei.
Habang si Balenbin, ay naharang noong araw ng Sabado nang dumating sa NAIA mula sa San Francisco.
“They were immediately sent back to their port of origin and placed in our blacklist to prevent them from entering the country should they attempt to return in the future,” sabi ni Tansingco.
Base sa impormasyon na nanggaling sa US government si Sallaj ay nahatulan noong Disyembre 2012 ng Tennessee court dahil sa kasong sexual battery na isinampa ng 12-anyos na biktima nito.
Sa kabilang banda, si Balenbin ay iniulat na hinatulan ng korte ng California noong Mayo 2007 matapos mapatunayang nagkasala ng umabuso sa isang bata.
Parehong rehistradong sex offenders (RSO) sina Sallaj at Balenbin sa kani-kanilang mga bansa kaya ang kanilang mga aktibidad ay patuloy na sinusubaybayan ng mga awtoridad kahit na matapos na nila ang kanilang sentensiya.
“We cannot allow our country to be a hub for sex tourism. Foreign pedophiles are not welcome here, thus they will be turned away the moment they step on our airports,” sabi ni Tansingco.
