
Ni NOEL ABUEL
Kung si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang tatanungin ay walang grupo ang nagbabalak na kumilos at magpapatupad ng destabilisasyon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa pulong balitaan sa Senado, sinabi ni Dela Rosa na wala aniya itong natatanggap na impormasyon mula sa mga kaibigan at dating mga kasama sa Philippine National Police (PNP) at mga retiradong heneral, na may namumuong destabilisasyon sa kasalukuyang gobyerno.
Sinabi pa ng dating pinuno ng PNP, na sinisiguro nitong may magpaparating sa kanya kung ano ang sentimiyento ng mga nagbabalak na magpatupad ng destabilisasyon subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala itong katotohanan.
“Wala ‘yan, hindi ‘yan totoo,” ayon pa dito.
Idinagdag pa ni Dela Rosa na suportado nito si Pangulong Marcos at naniniwala sa ginagawa nitong trabaho para paglingkuran ang gobyerno at ang taumbayan.
Aniya, hindi magbabago ang suporta nito sa kasalukuyang administrasyon at hanggang sa kasalukuyan ay tuloy pa rin ito sa pagbibigay ng suporta kay Pangulong Marcos at sa gobyerno nito.
