Generation companies na responsable sa brownout dapat managot — Sen. Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senador Win Gatchalian na dapat managot ang mga power-generating company na responsable sa naranasang brownout sa Negros at Panay.

Ayon sa senador, ang mga nasabing power-generating company na hindi nakapagbigay ng sapat at tuluy-tuloy na supply ng kuryente ay dapat managot sa mga outage na nagreresulta sa pagkalugi sa ekonomiya.

Binigyan-diin ito ni Gatchalian kasunod ng isang power interruption sa sub-grid ng Negros at Panay dahil sa biglaang pagbagsak ng Panay Energy Development Corp. (PEDC) Unit 3 noong Enero 17.

Kasabay nito ay nanawagan si Gatchalian sa Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na i-audit ang generation companies na patuloy na hindi nakakasunod sa reliability index at, kung kinakailangan, magpataw ng mga parusa laban sa kanila.

“Ang generation companies na patuloy na bigong maisakatuparan ang naipangakong suplay ng kuryente ay dapat managot. Huwag nating silang hayaang makalusot,” aniya.

Ipinaalala ni Gatchalian na ang pagpapanagot sa mga generation company dahil sa bigong pagpapatupad ng kanilang mandato ay nakasaad sa ERC Resolution No. 10, series of 2020.

Matatandaan na ang blackout na tumama sa Western Visayas sa loob ng ilang araw sa unang bahagi ng buwang ito ay dahil sa unplanned outage ng PEDC Units 1 at 2, gayundin ng Palm Concepcion Power Corp. (PCPC) Unit 1.

Nauna nang nanawagan ang senador para sa mas mahigpit na parusa laban sa mga manlalaro ng industriya na napatunayang nagkasala ng kapabayaan o mismanagement ng mga bagay na may kaugnayan sa enerhiya.

Ang anumang parusang ipapataw, aniya, ay dapat na katumbas ng lugi sa ekonomiya sa mga apektadong lugar.

Sa kaso ng malawakang brownout sa Western Visayas, sinasabing umabot na sa P5.7 bilyon ang lugi ng lalawigan ng Iloilo at Iloilo City.

“Anumang kapabayaan na nagdudulot ng pinsala sa araw-araw na pamumuhay ng ating mga kababayan at takbo ng ekonomiya ay dapat may karampatang kaparusahan para hindi na paulit-ulit ang mga ganitong insidente,” aniya.

Leave a comment