
Ni NERIO AGUAS
Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean at isang Nigerian sa magkahiwalay na operasyon sa Taguig City at lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga naarestong dayuhan na sina Park Yong, 43-anyos at Oladunjoye Oluwaseun Emmanuel Abioye, 37-anyos.
Base sa ulat ng BI fugitive search unit (FSU), si Park ay wanted sa bansa nito dahil sa pagkakasangkot sa illegal na droga, at nadakip sa bisa ng summary deportation na iniutos ng BI board of commissioners na inilabas noong Disyembre at naaresto sa pinagtataguan nito sa Angeles City, Pampanga.
Sa impormasyon mula sa Interpol team na ibinigay sa border control and intelligence unit (BCIU), si Park ay may arrest warrant na inilabas ng Suwon district court sa Korea noong 2023.
Ayon pa sa Korean authorities, Hulyo 2016 nang ilagay ni Park sa internet ang advertisement na nag-iimbita sa publiko na bumili rito ng methamphetamine drugs.
Lumabas sa record ng BI, na si Park ay overstaying alien na kung saan huling dumating ito sa bansa noong Setyembre 15, 2019 at mula noon ay hindi na umalis pa ng bansa.
Samantala, si Abioye, ay nadakip ng BI intelligence division sa pamumuno ni Chief Fortunato Manahan Jr. sa isang condominium sa McKinley Hills, Taguig City noong Enero 16 sa tulong ng mga tauhan ng Southern Police District.
Ayon kay Manahan naging mahirap ang pagmamanman at pagdakip kay Abioye dahil sa maliban sa mahigpit ang seguridad sa nasabing condominium ay maingat din ito sa paglabas.
Nabatid na si Abioye ay may warrant na inilabas ng BI dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940 kung saan nag-overstay na ito.
“We will continue to prioritize the enforcement of our laws to ensure the safety and security of our borders against these illegal aliens,” sabi ni Tansingco.
