
Ni NOEL ABUEL
Ngayong tapos na ng Kamara ang halos lahat ng panukala na kailangan nitong aprubahan, gagamitin nito ang oversight function upang matiyak na tama ang paggastos sa 2024 national budget.
Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa kanyang talumpati sa pagbabalik sesyon ng Kamara.
“Hindi lamang tayo gumagawa ng batas. Ayon sa ating mandato, sinisigurado rin natin na naipapatupad ang mga batas na ito nang wasto at patas. Tinitiyak natin na bawat batas na ipinapasa natin ay may direktang pakinabang sa ordinaryong mamamayan,” ani Romualdez.
Sinabi nito na tutulong ang Kamara kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagbabantay sa mga programa at proyekto na popondohan ng 2024 national budget, kasama na ang ayuda para sa mga mahihirap, magsasaka, at mangingisda.
“Sa mga susunod na araw at buwan, ilalarga ng administrasyon ang malalaking programa para mabigyan ng ginhawa ang ating mga mamamayan sa harap ng inflation na nagaganap ngayon sa buong mundo,” sabi ni Romualdez na ang tinutukoy ay ang P500 bilyong halaga ng ayuda para sa may 12 milyong mahihirap at low-income na pamilya.
Idinagdag pa nito na isinama ng Kongreso sa budget ang bagong programang AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita.
Sa ilalim ng AKAP bibigyan ng direct one time cash assistance ang mga ‘near poor’ o pamilya na kumikita ng hindi hihigit sa P23,000 kada buwan. Nasa 12 milyong pamilya ang inaasahang makikinabang dito.
“Lahat ng programang ito ay nilagyan natin ng sapat na pondo dito sa Kongreso. Tulungan natin ang Pangulo para matiyak na bawat sentimo sa mga programang ito ay makakarating sa lahat ng distrito – mula sa mga siyudad hanggang sa mga baryo,” sabi ni Romualdez.
Bukod sa paggawa ng mga panukalang batas, sinabi ni Romualdez na naipakita ng Kamara ang pagnanais nito na mapabuti ang pamumuhay ng mga Pilipino gamit ang kanilang oversight function.
“We scrutinized government operations by conducting legislative inquiries in aid of legislation. We engaged our counterparts in the executive department in open and honest discussions, gathered reliable information and offered immediate recommendations,” sabi nito.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Romualdez na nagsagawa ng joint hearing ang committees on ways and means, on senior citizens, at special committee on persons with disabilities kaugnay ng mga reklamo sa hindi pagsunod sa pagbibigay ng diskuwento para sa mga senior citizens, persons with disability (PWD) at solo parents.
Noong nakaraang linggo ay pinuri rin ni Romualdez ang naging hakbang ng Senado na pag-usapan ang panukalang pag-amiyenda sa 1987 Constitution upang mas maraming dayuhang mamumuhunan ang pumasok sa bansa.
