
Ni NOEL ABUEL
Hinamon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang Malacañang na diretsuhin ito na sabihing nakapasok na sa bansa ang mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC).
Ang pahayag ay ginawa ni Dela Rosa bilang tugon sa inilabas na pahayag ni dating senador Antonio Trillanes IV na nakatakda nang magpalabas ng warrant of arrest laban dito at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa iba pang respondents kaugnay ng ICC investigation sa war on drugs ng Duterte administration nang dumating ang mga ito sa bansa noong nakaraang buwan.
“What I am asking from this government is to be man enough to please tell us what’s the real score. Sabihan lang. Wala namang problema d’yan. Wala lang patalikod na transaksyon,” ani Dela Rosa.
Ngunit naniniwala naman aniya ito sa naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi nito papayagan ang pagpasok sa bansa ng ICC kung magsasagawa ito ng imbestigasyon na hanggang ngayon ay pinanghahawakan nito.
At kung totoo naman aniya ang pahayag ni Trillanes ay magtataka ito kung nagbago na ba talaga ng isip ang Malacañang at pinayagan nang makapasok ang ICC sa bansa ngunit handa namang sumunod.
“Pag sinabi ng presidente natin, mag-cooperate tayo. I’m only a citizen of this republic. I am bound by laws, so susunod ako. Unless may official confirmation, tsaka na ako maniwala. Bakit ako maniwala sa marites,” giit nito.
Aminado itong masasaktan kung nagbago na ng isip ang gobyerno at hindi na masunod ang nauna nang pangako ni Pangulong Marcos.
“Pag sinabihan mo ako noon na hindi sila pwedeng pumasok at ngayon nabago ang ihip ng hangin, pumayag na kayo na pumasok, please tell us. You are our president, you are our leader. Tell us so we know what to do,” pahayag ng senador.
“Prangkahan, usapang lalaki. Kung gusto ninyong imbestigahan kami, gusto ninyo kaming makulong, then sabihan ninyo kami nang harap-harapan, ‘wag ‘yung iba sinasabi, iba ‘yung nangyayari. ‘Yun lang ang pakiusap naming,” dagdag nito.
Samantala, sinabi ni Dela Rosa na nakahanda na ang legal team nito at ni Duterte para harapin ang ICC investigators sa pangunguna ni Atty. Harry Roque na dating tagapagsalita ni Duterte.
Tutulong din aniya si Senador Francis Tolentino, na nauna nang nagsabing tatayong abogado ni Dela Rosa, para magbigay ng payong legal.
