
Ni NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ni Senador Raffy Tulfo ang legitimacy ng mga nanalo sa lotto at ipatitigil na rin ang sistemang pagdaragdag sa jackpot prize mula sa prize fund reserve para palobohin ang jackpot prize.
Ayon sa senador, sa susunod na hearing ng Senate Committee on Ways and Means sa Huwebes, Enero 25, tatalakayin ang jackpot prize na ibinibigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa nakaraang hearing ng Senate Committee on Ways and Means noong Enero 18, 2024, inamin mismo ni PCSO General Manager Melquiades Robles na gawain na ng PCSO ang magdagdag ng daan-daang milyon sa jackpot prize sa bawat game ng lotto na manggagaling sa prize fund reserve upang maengganyo aniya ang mga mananaya.
Inamin din ni Robles na nitong nakaraang Disyembre halimbawa ay dinagdagan ng PCSO ang jackpot money ng lahat ng lotto games.
Nasa P100 million sa 6/42 at 6/45 samantalang tig-kalahating bilyon naman sa 6/49, 6/55 at 6/58.
Aniya, umaabot sa ₱1.7 bilyon ang kabuuang halaga ng nai-transfer mula sa prize fund reserve patungong jackpot money para sa nasabing mga lotto game. At lahat ng ito ay tinamaan na.
“Dito makikita na gumagawa ang PCSO ng kahina-hinalang sistema na kalaunan ay maaaring ika-bankrupt ng lotto dahil ang ₱1.7 billion ay savings na sana ito ng PCSO na pwede nang gamitin para sa mga charity project nila. Ang bilyong halaga na ito na winaldas ng PCSO ay kaya na sanang magpagamot ng libu-libong mga pasyente at naipambili na rin sana ng daan-daang ambulansya, wheelchairs, medisina etc.,” paliwanag ni Tulfo
Giit pa ng senador na nakakalungkot na ang ₱1.7 billion na ito ay napunta lamang sa iilang tao maliban pa sa kuwestiyonable pa ang mga taong nanalo sa jackpot na ito tulad ng hinala ng mga netizens.
