
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babae na panibagong biktima ng human trafficking nang tangkaing lumusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang biktimang itinago sa pangalang Lia, na muntik nang makaalis patungo sa Muscat, Oman para magtrabaho bilang household service worker.
Nabatid na nang dumaan sa immigration counters ang biktima at nagpakita ng pasaporte ay napansing hindi tugma ang edad nitong 30-anyos sa itsura nito.
“Our alert primary inspection officer noticed that she seemed very young compared to her presented document, she was referred for secondary inspection,” sabi ni Tansingco.
“The immigration officers had reason to believe that she is underage, given the numerous inconsistencies in her statements and passports,” ayon pa sa BI chief.
Sa huli, inamin ng biktima na ang hawak nitong pasaporte, birth certificate at iba pang dokumento ay iprinoseso sa Marawi sa pamamagitan ng ahente.
Sinabi nito na nananatili ito sa isang tirahan na pag-aari ng kanyang ahensya sa Parañaque City sa loob ng 6 na buwan, at lahat ng kanyang mga dokumento ay iniabot lamang sa kanya sa labas ng paliparan bago ang kanyang paglipad.
Sa Pilipinas, ang pinakamababang edad para sa deployment bilang mga HSW ay 24 taong gulang.
Sa nakaraan, naharang ng BI ang maraming kaso ng kinasasangkutan ng mga biktimang Pilipino na ginawang mukhang mas matanda kaysa sa tunay na edad upang maiwasan ang age requirement.
“We are worried that this might mean that there is a resurgence of the modus. Hence we are forwarding this to the proper authorities for further investigation to be able to catch these recruiters,” sabi ni Tansingco.
Agad na inedorso ang biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para matulungan at masampahan ng kaso ang kanyang recruiters.
