Taiwanese national na wanted sa human trafficking arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Taiwanese national na wanted sa bansa nito dahil sa kasong human trafficking.

Sa impormasyon na tinanggap ni Immigration Commissioner Norman Tansingco sa mga operatiba ng fugitive search unit, nakilala ang nasabing dayuhan na si Yuan Bo-Chun, 29-anyos, na nadakip sa Kalayaan Avenue at Mercado Street, Makati City.

Ang pagkakaaresto sa nasabing dayuhan ay naging matagumpay sa tulong na rin ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group-Regional Intelligence Division (RSOG-RID) National Capital Region (NCR) at Taiwanese authorities.

Armado ng mission order na inilabas ni Tansingco ay kasunod ng impormasyong ibinigay ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa Maynila.

Sinabi ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na ang pag-aresto kay Yuan ay hiniling ng Taiwan authority matapos malaman na ang pugante ay tumakas sa Pilipinas upang iwasan ang pag-uusig para sa kanyang diumano’y krimen.

Idinagdag ni Sy na ang isang warrant para sa pag-aresto kay Yuan ang inisyu ng Taiwan Taipei district prosecutor’s office noong Nobyembre 2023.

Sa pagsusuri sa kanyang travel record ng BI, ipinakita na ito ay huling dumating sa Pilipinas noong Setyembre 15, 2019 at hindi na umalis pa mula noon.

Samantala, sa nasabing operasyon, nakasagupa ng mga operatiba ng FSU sa loob ng tirahan ni Yuan ang isang 22-anyos na Taiwanese na nagngangalang Lin Jyun-Ze na nahuli sa akto ng pandaraya sa telecommunications at nagtataglay ng ilang matataas na armas at iligal na droga.

Nakakumpiska rin ang FSU at RSOG-RID NCR ng ilang units ng SMS modems, daan-daang active sim cards na nakarehistro sa magkakaibang personalidad at maraming bala at high-powered firearms gayundin ang malaking bulto ng high-grade marijuana.

Si Lin ay dinala sa National Capital Region Police Office sa Camp Bagong Diwa habang inihahanda ang kasong kriminal laban dito.

Samantala, Yuan ay dinala sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig kung saan nakakulong ito habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito palabas ng bansa.

Leave a comment