DOLE tutukan ang transpormatibong trabaho sa ilalim ng ‘Bagong Pilipinas’

Ni NERIO AGUAS

Sinisiguro ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kaisa ito ng administrasyon sa pagsusulong ng Bagong Pilipinas, isang tatak ng pamamahala na nakatuon sa pagpapatupad ng inklusibong plano nito para sa pagbabagong pang-ekonomiya at panlipunan.

Nakasaad sa Memorandum Circular No. 24 na ang kampanyang Bagong Pilipinas ay nananawagan sa malalim at mahalagang pagbabago sa lahat ng sektor ng lipunan at pamahalaan, at pinalalakas ang pangako ng Estado tungo sa pagkamit ng komprehensibong reporma sa mga polisiya at sa ganap na pagbangon ng ekonomiya.

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma, ang Philippine Labor and Employment Plan (PLEP) 2023-2028 ang patunay sa pangako ng kagawaran sa kampanyang ito.

Nakaayon sa Philippine Development Plan 2023-2028 at sa Eight-Point Socioeconomic Agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang PLEP ay isang dokumento na inendorso ng tripartite at inaprubahan ng Pangulo na naglalayong pagbutihin ang produktibo at transpormatibong kapasidad ng ekonomiya at may tiyak na interbensyon para sa pag-unlad ng mga manggagawa.

Ang mga prayoridad, nilalayong resulta at estratehiya ng kagawaran ay nakatuon sa tatlong pangunahing bahagi ng PLEP: ang pagtataguyod ng trabaho at pag-unlad ng yamang-tao; ang proteksyon at kapakanan ng mga manggagawa; at mga relasyon sa paggawa.

Bilang karagdagang kontribusyon sa tatak ng pamamahala ng Bagong Pilipinas ay ang mga nagawa ng kagawaran noong nakaraang taon, partikular sa pagtataguyod ng kapaki-pakinabang na trabaho at pag-unlad ng yamang-tao, pagprotekta at pagsusulong sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa, at pagpapanatili ng maayos na relasyon sa pagitan ng namumuhunan at manggagawa, gayun din ang kapayapaan sa industriya.

Nitong 2023, natulungan ng DOLE ang humigit-kumulang 181,126 na mga kabataan na mabigyan ng karanasan sa trabaho sa pamamagitan ng Special Program for Employment Students (SPES), Government Internship Program, at JobStart Philippines Program.

Upang matugunan ang hindi pagkakatugma ng mga kasanayan at trabaho, namahagi ang DOLE sa 4.9 milyong indibidwal ng mga napapanahon at makabuluhang mga IEC material tungkol sa kondisyon ng merkado sa paggawa sa hinaharap.

Higit pa rito, mahigit 2.4 milyong kuwalipikadong aplikante ang nabigyan ng trabaho sa pangangasiwa ng Public Employment Service Offices (PESOs), na nangangahulugan ng 92 porsiyentong placement rate sa mga rehiyon.

Para naman sa pagsasanay at apprenticeship, mahigit 1.6 milyong indibidwal ang na-enrol sa iba’t ibang technical-vocational education at training program, at mahigit 1.3 milyon sa mga ito ang nakatapos sa iba’t ibang programa.

Leave a comment