
Ni NOEL ABUEL
Suportado ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapalawig ng deadline ng mga pampublikong sasakyan sa bansa.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Transportation na pinamunuan ni Antipolo City Rep. Romeo Acop ang kanilang motu proprio na imbestigasyon sa kalagayan ng implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Inaprubahan ang resolusyon, alinsunod sa estilo at porma, na humihiling kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa Department of Transportation (DOTr) na ikonsidera ang pagpapalawig ng deadline para sa konsolidasyon ng mga jeepney, na nagtapos noong ika-31 ng Disyembre 2023, hanggang ang mga kongkretong plano ay makatugon sa mga pangunahing usapin sa programa ay naisaayos na.
Ang resolusyon ay batay sa mosyon ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez.
Sa isinagawang deliberasyon, iniulat ni Fernandez na inaprubahan na ng Pangulo ang rekomendasyon ni Transportation Secretary Jaime Bautista na palawigin ang panahon ng konsolidasyon ng karagdagang tatlong buwan pa, o hanggang ika-30 ng Abril 2024.
Ang mga operators ng jeepney sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay nagpahayag ng kanilang mga hinaing hinggil sa konsolidasyon.
Habang sinusuportahan ng mga nagsusulong ng modernisasyon ng PUV tulad ng Manibela, nanawagan ito sa mga gumagawa ng mga lokal na jeepney na bigyan ito ng pagtatangi sa pagbili ng mga bagong yunit, maliban sa mga parts na ginagawa lamang sa ibayong dagat.
Lumabas din na ang PUVMP ay nagpapahirap sa kakayahan ng mga tsuper at operator ng jeepney na kumita ng sapat para sa kanilang kabuhayan.
Binigyang diin ni Acop na dapat munang pagtuunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagsisikap na maabot ang rasyonalisasyon, bago ang konsolidasyon upang malaman kung ilang yunit ang kinakailangan.
Kinumpirma ni Transportation Undersecretary Anneli Lontoc na ang subsidiya ng pamahalaan na inilaan sa 2024 national budget ay P1.3 bilyon lamang, habang ang pangangailangan ay aabot sa P40 bilyon hanggang P70 bilyon para sa mga inangkat na modernong PUVs, at P24.62 bilyon para sa lokal na modernong PUVs.
Subalit tiniyak naman ni Lontoc na sisikapin ng DOTr na maayos na maipatupad ang programa.
Muling magpupulong ang lupon, kung saan dadaluhan ito ng mga kinatawan mula sa Philippine Competition Commission and Cooperative Development Authority na magpiprisinta ng kanilang mga opinyon sa usapin.
