Pagpasa ng Anti-Online Gambling Act iginiit ni Sen. Cayetano

Sa gitna ng pagbabalik ng e-sabong

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano para sa mabilis na pagpasa ng Anti-Online Gambling Act sa gitna ng mga ulat ng patuloy na operasyon ng e-sabong sa bansa sa kabila ng pagsuspende nito ng Pangulo.

Ito ay matapos isiwalat ng Committee on Games and Amusement sa isang pagdinig sa Senado noong January 25, 2024 na ang operasyon ng e-sabong ay nagpapatuloy nang palihim.

Noong 2022, sa kasagsagan ng pagkawala ng ilang mga sabungero at iba pang isyu na nauugnay sa e-sabong, inihain ni Cayetano ang Senate Bill No. 63 na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling at parusahan ang sinumang konektado rito.

“The pull of gambling, especially over the internet, makes it more alluring for our kababayan who cannot help but engage in such activities desperately hoping to immediately win large sums of money,” ayon pa sa independent senator.

“Online gambling platforms such as e-sabong have demonstrated how it can destroy the moral fiber of our nation,” dagdag nito.

Ipinatigil ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng e-sabong noong May 2022 dahil sa “social impact” nito sa mga tao.

Kasunod ito ng mga paulit-ulit na panawagan ni Cayetano tungkol sa mga masamang epekto nito.

Ang patakaran ni Duterte laban sa e-sabong ay ipinagpatuloy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nag-utos ng patuloy na pagsuspende nito noong December 2022.

Aniya, sa kabila ng mga hakbang na ito, patuloy pa rin ang kapulisan sa pag-aresto sa daan-daang indibidwal na sangkot sa lihim na operasyon ng e-sabong sa buong bansa.

Sa panukalang batas ni Cayetano, layon nito na magpataw ng maximum penalties, kabilang ang pagkakulong at multa para sa mga lalabag.

Ipinag-uutos nito, halimbawa, ang pagtanggal sa serbisyo ng mga public office offenders, permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng public office, at pagbawalan na bumoto o makilahok sa mga halalan.

Binigyan-diin ng independent senator na ang pagbabawal sa mga ganitong aktibidad sa buong bansa — gaya ng ginawa ng lungsod ng Taguig — ay susi sa pag-unlad.

“Wala pong sugal sa Taguig. Ipinagbawal po namin ang casino pagdating ni Mayor Lani. May gusto ring magtayo ng sabungan at nag-donate pa ng lupa. Nu’ng hindi po namin pinayagan, doon po umusbong ang Fort Bonifacio kung saan ngayon ay central business district na siya ng ating bansa,” pahayag pa nito.

Iginiit din ni Cayetano na “moral obligation” ng lahat ang pagpigil sa pagsira ng Filipino values at pagtiyak ng mas magandang kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.

“It is our duty as God-fearing people to raise future generations in a morally upright environment, and to protect them from the evils and dangers that come with gambling, greed, and all the other vices that go along with it,” dagdag pa ni Cayetano.

Leave a comment