Pakikialam ng ICC sa Pilipinas, insulto sa mga Filipino — solon

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Mariing binatikos ni Senador Christopher “Bong” Go ang panghihimasok ng International Criminal Court (ICC) sa mga usapin sa Pilipinas, at iginiit na ang kanilang imbestigasyon, partikular sa kampanya laban sa droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay direktang insulto sa soberanya ng Pilipino at sa kasalukuyang judicial system ng bansa.

Sa ambush interview sa pagdiriwang ng ika-42 anibersaryo ng Lung Center of the Philippines sa Quezon City, binigyan-diin ni Go ang kakayahan at kalayaan ng sistema ng hudikatura ng Pilipinas, na mahigpit na tinututulan ang anumang anyo ng panlabas na panghihimasok lalo na ng mga dayuhan.

Aniya, nagsalita na si Pangulong Marcos at nagsalita na rin ang ating si dating Pangulong Duterte na hindi kinikilala ang ICC dahil sa banta ito sa soberenya ng bansa.

“President Marcos yesterday said that for the nth time—for the 100th time—hindi niya po nire-recognize ang jurisdiction ng ICC dito sa Pilipinas dahil para sa kanya threat po ito sa ating sovereignty,” dagdag nito.

Una nang idineklara ni Marcos ang hindi pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC sa mga umano’y paglabag ng nakaraang administrasyon.

“I consider it as a threat to our sovereignty. Therefore, the Philippine government will not lift a finger to help any investigation that the ICC conducts,” sabi ni Pangulong Marcos.

Samantala, ipinagtanggol ni Go ang kakayahan ng sistema ng hudikatura ng Pilipinas at pinanindigan na ang mga korte ng bansa ay may mandato na maghatol sa mga kaso kaugnay ng anumang alegasyon laban sa sinumang Pilipino sa loob ng hurisdiksyon ng bansa.

“Gaya ng sinabi ko noon pa, only Philippine courts operating under Philippine laws can judge former President Duterte. Hayaan po natin ang ating husgado, ang ating local courts o ating judicial system na humusga sa dating Pangulong Duterte. At sinabi naman n’ya, he is willing to face the Philippine Courts,” pahayag pa nito.

Hinamon nito ang publiko na pag-isipan ang kanilang mga karanasan sa ilalim ng pamamahala ni Duterte, na nagmumungkahi na ang mga Pilipino ang pinakamahusay na posisyon upang suriin ang kanyang pagmumuno sa bansa.

“Kayo na po ang humusga kung nakakalakad ba ang inyong anak na hindi nasasaktan at hindi nababastos sa panahon ni Pangulong Duterte,” aniya pa.

Leave a comment