Abusadong Czech national at US pedophile hinarang ng BI

Ni NERIO AGUAS

Pinalayas palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang turistang Czech national matapos tumangging magrehistro sa eTravel system at mambastos ng immigration officer.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, agad na pinabalik sa pinanggalingang bansa ang 55-anyos na si Jaroslav Konsel na dumating sa Clark International Airport sakay ng Cebu Pacific mula Hong Kong.

Sinabi ni Tansingco na pinigilang makapasok sa bansa si Konsel matapos bastusin ang isang BI officer na humiling dito na magparehistro muna sa eTravel online system bago ito makapasok sa bansa.

Ang eTravel system ay sapilitan para sa lahat ng mga international passengers dahil ito ay isang electronic travel declaration system na tumatanggap at nag-iimbak ng impormasyon at data tungkol sa lahat ng pasaherong pumapasok at lalabas sa bansa.

Ang eTravel ay dapat na irehistro 72-oras bago ang pagdating sa Pilipinas.

“Reports that he taunted and mocked the immigration officers who were politely explaining to him the eTravel requirement is enough ground for him to be excluded and banned from entering the country,” sabi ng BI chief.

Agad na inilagay sa BI blacklist ng mga undesirable aliens si Konsel at hindi na ito makakabaik sa bansa.

Samantala, isang US national ang pinigilang makabalik sa bansa matapos na napatunayang nangmolestiya sa isang dalagita mula sa Mindanao dalawang taon na ang nakalilipas.

Nakilala ang nasabing dayuhan na si Jerold Jay Whiting, 80-anyos, na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Enero 25 sakay ng United Airlines flight mula Guam.

Ayon sa BI, si Whiting ay ban nang makabalik ng bansa dahil sa makailang beses na pangmomolestiya at umabuso sa 16-anyos na dalagita.

Sinabi ni Tansingco na si Whiting
ay sangkot sa online sexual exploitation sa pamamagitan ng pag-record ng mga video ng kanilang mga sekswal na aktibidad at ipinamahagi sa publiko ang nasabing pornographic materials.

“We cannot allow foreign sex offenders like him to step in our territory for even a second as they pose a very serious threat to our women and children,” ani Tansingco.

Leave a comment