Comelec pinuri ng mga senador at kongresista

Nina NOEL ABUEL at NERIO AGUAS

Nagpasalamat ang mga senador sa Commission on Elections (Comelec) sa naging desisyon nito sa sandaling ipagpaliban ang isinusulong na people’s initiative na naglalayong amiyendahan ang 1987 Constitution.

Nagkaisa sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate Pro-Tempore Loren Legarda at Senate Majority Leader Joel Villanueva, at masayang ipinarating ang pasasalamat sa poll body sa inilabas nitong Comelec en banc resolution.

Sinabi ni Comelec chairman George Garcia na nagkaisang bumoto ang Comelec en banc na suspendehin ang lahat ng proseso na may kinalaman sa PI sa buong bansa.

“We honestly believe, base po sa aming initial assessment, na kinakailangan naming i-review, i-enhance, dagdagan ‘yung aming existing implementing rules and regulations (IRR) concerning the people’s initiative dahil sa ating palagay, may mga bagay doon na kulang at wala doon sa guidelines,” sabi ng Comelec chair.

“Kailangan po ito para maiwasan ang problema, kaguluhan, at hindi pagkakaunawaan doon sa interpretasyon ng prohibitions ng ating mga rules,” dagdag pa ni Garcia.

Sa kasalukuyan, nakatanggap na ang Comelec ng kabuuang 1,072 signature forms para sa people’s initiative mula sa mga munisipalidad at syudad hanggang Enero 26, 2024.

Una nito, sinabi ni Zubiri na ipinatawag ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Bahay Pangulo sa Malacañang, at doon ay kinausap ito dahil sa nangyayaring sigalot ngayon sa Kamara at Senado bago pa tumulak ang Pangulo patungong Vietnam.

Kabilang aniya na nakausap nito maliban kay Pangulong Marcos ay sina dating senador at ngayo’y chief Presidential Legal Adviser Juan Ponce Enrile at si Executive Secretary Luiz Bersamin na kapwa nagsabing hindi kailanman maaaring mawala ang check and balances ng Senado at ng Kamara.

“The President is set to appeal to the House of Representatives and the other PI initiators to stop this dreaded people’s initiative or their version of people’s initiative. It is getting out of hand,’” sabi nito.

Sinabi pa ni Zubiri na batid ng Pangulo ang sitwasyon sa kasalukuyan at batid nito kung sinu-sino ang nasa likod ng PI kabilang ang ilang kongresista tulad nina Albay Rep. Joey Salceda at Pampanga Rep. Dong Gonzales.

Samantala, nagbabala ang mga senador sa 43 legislative districts na hindi nagsumite ng kanilang mga nilagdaang pirma sa PI, na maaaring makasuhan sakaling mabawasan ang bilang nito kasunod na inilabas na resolusyon ng Comelec en banc.

“Mayroon pang 43 na mga distrito na hindi pa nagsumite, at hiniling po nating sa 43 huwag nang tumanggap ng election officers dahil kung isa mang distrito ang hindi nakakumpleto ay patay na talaga. Kaya dapat sundin ang En banc, sila ay maaaring makasuhan,” sabi ni Legarda.

“Tayo ay nagagalak na ang Comelec ay nagkaroon ng en banc resolution today na titigil na ang pagtanggap sa mga distrito ng ating bansa ng mga napirmahan,” sabi pa ni Legarda.

Sinabi ni Zubiri na maghahain din ang Senado ng legal case para kuwestiyunin ang PI na sa simula pa lamang ay peke at tahasang nilalabag nito ang batas na nagkaroon ng signature buying at panloloko sa taumbayan para pumirma.

Layon umano nito na tuluyan nang maglabas ang Comelec ng desisyon na ideklarang peke ang PI at tuluyang ideklara itong illegal.

Dinagdag pa ni Zubiri na sinabi umano ni Pangulong Marcos na aapela ito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at sa mga nasa likod ng PI.

Kumpiyansa ang mga senador na hindi na mauulit ang pagbalewala ng Kamara sa nauna nang napagkasunduan na isentro lamang sa economic provision ng Konstitusyon ang gagalawin.

Ayon pa kina Zubiri at Legarda, ngayong may inilabas nang desisyon ang Comelec at utos ni Pangulong Marcos, tuluyan nang ipatitigil ang pagproseso pa ng PI.

Samantala, nagpasalamat din si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party list Rep. France Castro at sinabing magandang balita ang inilabas ng Comelec en banc.

“Sa totoo lang, it’s a waste of time. Dapat na mas tutukan ng Comelec ang pagpaparehistro ng mga botante para sa eleksyon sa 2025. Kasi masasayang lang anng tinatanggap nilang mga pirma kung iwi-withdraw din eventually. Sayang ang pagod ng Comelec at pera ng taumbayan kung papatulan pa nila ang pekeng iniative,” sabi pa ni Castro.

Leave a comment