
Ni NOEL ABUEL
Hinamon ni Ferdinand Martin G. Romualdez si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sebastian Duterte, na isapubliko ang anumang ebidensya at patunay at i-back up ang kanilang mga alegasyon laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Inilarawan ni Romualdez, ang pinuno ng mahigit 300 miyembro ng Kamara, ang mga pahayag ng mga Duterte ay mistulang “budol-budol stories” mula sa Davao, at dapat aniyang umiwas ang mga ito sa paggawa ng mga paratang na hindi nila kayang mapatunayan.
“So unless you have proof na ‘yung mga alegasyon ninyo na kung bakit nananawagan diyan na sa ating mahal na Presidente Ferdinand R. Marcos na bumaba sa puwesto sana mag isip-isip muna kayo, mag-isip muna kayo at ilabas ‘yung mga pruweba. Kasi alam natin hindi totoo ang mga sinasabi ninyo,” ani Romualdez sa naganap na party leaders caucus.
Nauna nang hiniling ni Mayor Duterte kay Pangulong Marcos – isang pangulo na may pinakamataas na boto sa kasaysayan ng Pilipinas na may mahigit 31 milyong boto – na bumaba sa puwesto kung wala itong pagmamahal at adhikain para sa bansa.
Habang si dating Pangulong Duterte, ay may akusasyon na nasa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Pangulong Marcos.
“Uulitin ko, tigilan nyo na ‘yung mga budol-budol n’yo ‘di ba. Dapat seryoso na tayo at igalang na lang natin ang ating Presidente na nagtatrabaho ng maigi. Masipag siya at talagang tinatrabaho n’ya ‘yung magandang buhay para sa mga Pilipino,” ani Romualdez.
“Sa pamilyang Duterte, siguro konting galang naman sa ating mahal na presidente tsaka sa pamilya n’ya. Noong panahon ng rehimen n’yo, iginalang naman kayo,” apela pa nito.
“Masyadong maaga naman ninyo gustong ipabagsak ang rehimen ng President Ferdinand R. Marcos Jr., very popular and he was elected with a bigger mandate than the former president. Kaya’t igalang naman natin ‘yan. ‘Yan po ang mandato ng taumbayan ng Pilipinas,” dagdag ni Romualdez.
Mariing itinanggi ni Romualdez ang mga paratang ng nakatatandang Duterte at ng kanyang anak, at sinabing malayo sa katotohanan ang akusasyon ng mga ito.
“Walang katotohanan ‘yan. Si Mr. former president sabi niya nasa drug list, na-check natin na never na never na si President Ferdinand R. Marcos ay nailagay sa drug list. Kaya hindi ko alam kung nag iisto-istorya ka na naman. Tigilian mo na ‘yung budol-budol galing sa Davao,” sabi pa ni Romualdez.
Tinawag nito ang nakatatandang Duterte para sa paggawa ng ganoong alegasyon laban kay Pangulong Marcos, isang masipag at napakapopular na presidente, nang siya mismo ay nahaharap sa pananagutan sa kriminal para sa mga aksyon na ginawa sa panahon ng kanyang administrasyon.
“Please lang dapat magkaisa ang buong Pilipinas. Baka meron kayong mga concern or issues na kailangang harapin mo ‘yung batas na baka nilabag mo noon sa administrasyon mo,” ayon pa kay Romualdez.
“Tigilan mo nalang ‘yan kasi ‘yung Presidente nagtatrabaho ng maigi at nakikita ng buong mundo nagkakaisa na ang Pilipinas, mukhang kayo lang diyan sa Davao ay gumagawa na lang ng mga istorya,” aniya pa.
