Atty. Anthony Abad pinasu-subpoena ng Senado

Ni NOEL ABUEL

Pinasu-subpoena ng Senate committee on electoral reforms and people participation ang isang Atty. Anthony Abad na sinasabing nasa likod ng people’s initiative para amiyendahan ang Saligang Batas.

Kapwa isinulong nina Rep. Rodante Marcoleta at Senador Francis Tolentino at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagpapa-subpoena kay Abad na hindi dumating sa pagdinig.

Subalit base sa natanggap na impormasyon ni Senador Imee Marcos, si Abad ay nasa ibang bansa sa kasalukuyan.

Sinasabing si Abad ay dating tauhan ni Senador Koko Pimentel kung saan sinabi ng senador na inaaalam pa kung ang naturang abogado at siyang tinutukoy ni Marcoleta.

Tiniyak ni Pimentel na hindi nagtrabaho bilang consultant si Abad.

Giit ni Marcoleta, kailangang ipaliwanag ni Abad kung saan nanggaling ang P2B na ginamit sa pagbili ng mga papel na ginamit sa pagpapapirma.

Sa pagdinig, humarap ang mga testigo mula sa Bukidnon, QC, Batangas, at inilahad ang pagpapapirma sa mga ito kapalit ng ayuda na hindi naman natupad.

Sinabi ng mga testigo na ang nagpapirma ng form ay nanggaling sa mga local government units (LGUs) at maging ng ilang kongresista.

Sa nasabing pagdinig, full force ang mga senador kabilang si Senate President Juan Miguel Zubiri at Senate Pro-Tempore Loren Legarda at Senate Majority Leader Joel Villanueva at ni Pimentel upang ipakita ang paglaban ng mga ito sa PI.

Leave a comment