Pag-alis ng non-teaching tasks sa mga guro suportado ni Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Nagpasalamat si Senador Win Gatchalian sa Department of Education (DepEd) sa desisyon na alisin ang mga non-teaching tasks sa mga guro.

Inilabas kamakailan ng DepEd ang Department Order No. 002 kung saan nakasaad na hindi na gagawin ng mga guro ang mga trabahong tulad ng personnel administration; property at physical facilities custodianship; general administrative support; financial management; records management; at ang pagpapatakbo ng mga programang tulad ng feeding, school disaster risk and reduction management, at iba pang mga programa.

Ani Gatchalian, kinikilala ng hakbang na ito ang mahalagang papel ng mga guro at pinapasimple ang kanilang mga responsibilidad.

“Mahalagang hakbang ito upang iangat ang kalidad ng sistema ng ating edukasyon sa bansa, at makikita natin ang maaaring maging resulta ng mga ito sa performance at efficiency ng mga mag-aaral,” sabi ni Gatchalian.

Ang pag-alis ng non-teaching tasks sa mga guro ng pampublikong paaralan ay isa sa mga probisyon sa Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493) na inihain ni Gatchalian.

Isinusulong din ng panukalang batas ang pagha-hire ng sapat na non-teaching staff na magsasagawa ng mga administrative tasks.

Dito, mandato ng DepEd na punan ang lahat ng non-teaching positions at tukuyin ang standard class size sa bawat antas batay sa international standards.

Makakatanggap naman ang mga gurong humahawak ng malalaking klase ng karampatang sahod.

Batay sa ulat ng Second Congressional Commission on Education na pinamagatang “Miseducation: The Failed System of Philippine Education,” patuloy na isinasagawa ng mga guro ang 50 administrative at ancillary tasks sa kabila ng mga pagsisikap na bawasan ang kanilang mga trabaho.

“Mahalagang hakbang ang pag-aalis ng mga non-teaching tasks sa ating mga guro upang matiyak na matututukan na nila ang pagtuturo sa ating mga mag-aaral. Gayundin, ang Revised Magna Carta for Public School Teachers ay magtataguyod sa kapakanan ng ating mga guro,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Leave a comment