
Ni NERIO AGUAS
Inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapatapon sa walong Japanese nationals na naunang naaresto dahil sa kanilang pagkakasangkot sa mga scam operations.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang walo ay naaresto noong Pebrero 11, 2020 sa isang resort sa Sitio Lilian, Famy, Laguna ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) sa pamamagitan ng joint operation kasama ang National Bureau of Investigation-Laguna District Office (NBI-LAGDO).
Natagpuan sa lugar ang maraming mga telepono at scripts na ginagamit ng mga ito sa panloloko sa kanilang mga biktima.
Sinasabing ang walo ay sangkot sa isang scam na ang mga binibiktima ay mga kababayang mga Japanese nationals.
Marami sa kanilang mga biktima, ayon sa ulat, ay mga retiradong senior citizens at milyun-milyong piso umano ang natangay ng sindikato sa kanilang illegal na operasyon na hindi bababa sa tatlong taon nang umaandar.
Bagama’t naniniwala ang mga awtoridad na ang walo ay hindi konektado sa Luffy gang, sinasabing ang mga ito ay nagpapatakbo ng katulad na modus na pinupuntirya ang mga matatandang Hapon.
Ang mga nasabing mga dayuhan ay isinakay sa Japan Airlines flight patungong Narita sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong nakalipas na Martes.
Kasunod ng kanilang deportasyon, ang kanilang mga pangalan ay kasama sa blacklist ng BI, na awtomatikong hindi na makapasok sa Pilipinas ang mga ito.
