Benepisyo ng senior citizens at PWDs tinitiyak ng mga kongresista

Rep. Joey Sarte Salceda

Ni NOEL ABUEL

Upang matiyak na ang mga senior citizens at mga persons with disabilities (PWD) ay hindi napapabayaan, ipinagpatuloy ng magkasanib na lupon sa Kamara ang pagsisiyasat sa mga puwang sa pagpapatupad ng Magna Carta for Disabled Persons, ang Expanded Senior Citizens Act, at iba pang mga polisiya sa mga diskwento, insentibo, at mga tax exemption.

Nagkaisa ang House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, at Committee on Senior Citizens na pinamumunuan ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes at ng Special Committee on Persons with Disabilities na pinamumunuan ni Agusan del Sur Rep. Alfelito Bascug, ay ipinagpatuloy ang pagkuha ng mga input sa mga establisimyento, na nakatanggap ng mga reklamo hinggil sa mga naturang benepisyo at mga espesyal na pribilehiyo.

Tiniyak ng Atty. Peng Juco, na kumakatawan sa Goldilocks Bakeshop Inc., ang mga mambabatas na ang kumpanya ay ganap na tumutupad sa batas bagama’t ang mga cake at pastries ay hindi sakop ng 20% na diskwento, ay nagbibigay ang Goldilocks ng 5% diskwento sa mga slices at piling pastries.

Sinabi ni Leyte Vice Governor Leonardo Javier Jr., nagtatag ng Andok’s, na ang kanilang kumpanya ay tumutupad din sa batas, ngunit nakakaranas din aniya ito ng pag-abuso sa benepisyo ng ilang indibidwal.

Isinusulong ni ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ang pagbabago sa mga umiiral na batas na ipinatupad, mahigit isang dekada na ang nakakaraan, at isama ang iba pang mga serbisyo tulad ng on ride-hailing at mga app sa delivery ng mga pagkain.

Hinimok ni Tulfo ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) na ganap na tugunan ang mga reklamo at iminungkahi na makipag-ugnayan ang OSCA sa mga lokal na tanggapan ng Business Permits and Licensing Offices (BLPO) sa pagpapataw ng parusa sa mga umaabusong establisimiyento.

Para kay Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, iginiit nito ang panawagan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na paunlarin ang kanilang sistema sa mahusay na pagmomonitor ng mga tax deductions mula sa mga nasabing diskwento.

Hiniling din nito ang mga datos mula sa PhilHealth sa kasaluluyang bilang ng mga inisyung IDs sa mga seniors, gayundin ang itinakdang panahon sa pamamahagi ng lahat ng IDs sa bawat senior citizen sa bansa.

Ayon kay Salceda, pag-aaralan din ng lupon kung paano maibabahagi ang mga insentibo sa mga senior citizen na manggagamot.

Samantala, patuloy na inaayos ng technical working group ang isang panukala na tutugon sa mga puwang sa pagpapatupad at paunlarin ang serbisyo sa mga seniors at PWDs, batay sa ulat ng komite ng magkasanib na lupon.

Leave a comment