
Ni NOEL ABUEL
Inaprubahan na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 9726, na naglalayong patatagin ang pamamahala at pangangasiwa ng Philippine Science High School (PSHS) System.
Layon ng panukala na pataasin ang akses ng mga mag-aaral sa isang libre, kalidad at kumukumpitensya sa pandaigdigang edukasyon, upang ang bansa ay magkaroon ng mas maraming propesyonal na sinanay sa agham, teknolohiya, at pagbabago.
Tutulong ang panukala na maitatag ang dalawang PSHS campus sa bawat rehiyon at isang campus lamang sa bawat lalawigan.
Bibigyang kapangyarihan ang PSHS Board of Trustees na magpaunlad ng criteria, polisiya, at tuntunin na kinakailangan para mapairal ang kalidad at pantay na pamantayang pang-edukasyon sa lahat ng campus.
Isinasaad sa panukala na maglalaan ng trust fund na lilikhain para kumita mula sa mga makokolektang bayad na gagamitin sa pagpapatupad ng mga prayoridad na programa at aktibidad.
Kinilala ni Committee on Science and Technology chairperson at Aklan Rep. Carlito Marquez, sponsor ng panukala, na ang agham, teknolohiya, at mga pagbabago ay napakahalaga sa pambansang paglago at kaunlaran.
Binanggit nito na ang PSHS System ay nagresulta na sa maraming kabataang Filipino scientists, mananaliksik, at nation builders.
“We need to strengthen the PSHS System to ensure that we have a huge supply of quality Filipino scientists in the making, who shall serve the country, and for them to become at par with the best in the world,” aniya.
Samantala, pinagtibay rin ng Kamara ang House Resolution (HR) No. 1502, na humihimok sa Department of Education (DepEd) na isama ang foreign language studies sa K to 12 Basic Education Program, upang maturuan ang mga mag-aaral ng mga dayuhang wika bukod sa English, at mahikayat na pag-aralan ang mga ito bilang karagdagang kasanayan upang makakuha ng trabaho sa pandaigdigang merkado ng paggawa.
Gayundin, ang HR 1505, na bumabati at pumupuri sa Filipino powerlifter na si Mark Jason Galauran, sa pagwawagi ng medalyang pilak sa 2023 International Powerlifting Federation World Classic at Equipped Sub Junior and Junior Powerlifting Championships at ang HR 1512, na humihimok sa Department of Transportation (DoTr) na madaliin ang pagpapatupad ng Phases 2 at 3 ng Toll Interoperability Project, at buhayin ang DOTr Department Order No. 2020-12, na tumutulong sa episyenteng operasyon ng mga pasilidad ng tollway.
