
Ni NOEL ABUEL
Muling iginiit ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang kanyang isinusulong para sa paglikha ng special economic zone sa lalawigan ng Bulacan upang maakit ang mas maraming dayuhang mamumuhunan at umakma sa malapit nang matapos na aerotropolis sa labas ng Metro Manila.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs, sinabi ni Zubiri na muli nitong inihain ang Senate Bill No. 2266, o An Act Establishing the Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport, dahil ito ay makatutulong para pasiglahin ang pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng paghikayat sa mga manufacturers sa iba’t ibang industriya na magtayo ng kanilang mga pasilidad sa lugar.
“It embodies a vision of comprehensive development and inclusive growth in the province of Bulacan and nearby areas,” ayon pa sa Senate chief.
Sinabi ni Zubiri na ang Bulacan ay maaaring maging susunod na lugar ng ecozones na binanggit ang mga tagumpay ng mga ecozones sa Clark sa Pampanga at ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
“Despite being previously vetoed by President Marcos, it remains a crucial catalyst to bring infrastructure development, attract investments and create jobs in the area,” aniya.
Ayon kay Zubiri, natugunan na ng panukala ang mga alalahanin na inihain ng Pangulo sa pag-veto sa orihinal na panukalang batas na inaprubahan noong 18th Congress sa 2022.
“We have to answer the concerns then to make sure that we do not have the same concerns again now,” ayon pa kay Zubiri.
Ayon pa kay Zubiri, ang pagkakaroon ng eco-zone ay higit na magpapalakas sa economic potential ng P740-billion New Manila International Airport sa Bulacan, na target na makaimbita ng 100 milyong pasahero taun-taon.
Nauna nang sinabi ng Conglomerate San Miguel Corp. na ang komersyal na operasyon sa aerotropolis ay maaaring magsimula sa 2026 dahil ang mga aktibidad sa pagpapaunlad ng lupa sa napakalaking airport complex ay matatapos sa susunod na taon.
“This special economic zone is envisioned to attract world-class semiconductor manufacturers, battery power storage system manufacturers, electric vehicle makers and other new and emerging tech industries,” pahayag ni Zubiri.
“The proposed Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport is expected to add US$200 billion in annual Philippine export revenues over the next decade – an increase of around 170 percent of current annual exports,” dagdag nito.
