
Ni NOEL ABUEL
Nilinaw ni Senador Imee Marcos na wala itong nararamdamang sama ng loob at galit kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa kabila ng usapin sa kontrobersyal na people’s initiative na naglalayong amiyendahan ang 1987 Constitution.
Ito ang sinabi ni Marcos sa panayam ng mga mamamahayag kung saan binanggit nito na hindi naman personal ang nangyayaring sigalot sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado.
“Hindi ako nagagalit sa kanya, di naman personal, wala namang kinalaman sa pamilya. Ang problema lamang ay nasisira ang administrasyon na dala ang pangalan namin, ang winawasak niya ay kung sino ang pasimuno hindi ko alam,” sabi ng chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms.
Nagtataka rin si Marcos kung bakit nais na ipatigil ng mga kongresista ang isinasagawang pagdinig ng Senate committee hinggil sa sinasabing suhulan at panloloko sa mga lumagda sa people’s initiative na ipinakakalat sa buong bansa.
“Ngayon kung sino ang pasimuno diyan eh hindi ko na alam pero lahat itinuturo siya. Hindi naman ako nakikipag-away, di pa kami tapos banat na ng banat wala naman akong binanggit na pangalan baka may feeling demonyo diyan, feeling kapalmuks ewan ko natawa naman ako,” aniya pa.
Giit ni Marcos, ipinagtatanggol lamang nito ang kanilang pamilya sa lahat ng bumabatikos kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Alam mo hirap na hirap kami ng 36 years, ‘yan ang pinaglaban ko matapos ‘yung EDSA revolution, kung saan-saan ako napadpad. Ang hirap ng pinagdaanan namin, ng akong pamilya, ng aking anak pagkatapos pagkatapos itong hulog ng langit, na second chance sa aming pamilya, sisirain lang ng kung sinu-sino. Hindi naman ako papayag niyan,” pahayag ng senador.
Kinuwestiyon din ng senador ang ginagawang panghihimasok umano ng Kamara sa trabaho ng Senado.
“Bakit naman nanghihimasok ang Kongreso at nakikialam sa trabaho natin? Sabi nila walang paki ang Senado, eh bakit nanghihimasok sa ating imbestigasyon. Maliwanag naman, maayos naman, ano ba ang problema. Kung maayos naman ang trabaho wala namang kinukubli bakit naman inililihim pa, ano bang problema doon?” tanong ng senador.
Kaugnay nito, natawa lamang si Marcos sa apela ng mga kongresista na ‘ceasefire’ sa pagitan ng dalawang kapulungan.
“Nakatatawa nga ‘yung ceasefire, natawa nga ako tuluy-tuloy pa ang hearing may sagot nang tigilan na raw at ceasefire na raw. Wala raw bastusan, natawa naman ako kasi sila ang nag-umpisa na walang paki ang Senado, naku, noong inugali ko ang ugali nila iiyak pala. Wala namang firing, sila ang naglabas ng form na hindi kasali ang Senado. Narinig naman natin ang magigiting na si Justice Azcuna at Justice Carpio, ang liwa-liwanag, bicameral ang lahat ng istruktura ng ating pamahalaan,” paliwanag pa nito.
