
Ni NOEL ABUEL
“Pure lies and fabrications—plain and simple.”
Ito ang reaksyon ni Senador Christopher “Bong” Go sa akusasyon ng nagpakilalang lider ng Davao Death Squad na si Arturo Lascanas.
Pahayag ni Go, pawang kasinungalingan ang sinabi ng retiradong pulis na si SPO3 Lascañas at wala naman itong inilalabas na ebidensya sa akusasyon nito.
“Walang ganyang order na ibinigay si dating Pangulong Duterte. Even since when he was still the mayor of Davao City, never nagbigay ng ganyang klaseng order si PRRD. Kailanman ay wala siyang inutos sakin na iligal,” giit pa ng senador.
“Ako rin naman personally, wala rin akong ganyang listahan na kinuha o nakita man lang sa buong talambuhay ko. Hindi rin naman ako gagawa ng anumang iligal. I don’t follow illegal orders from anyone, kahit sino man sila,” dagdag pa ni Go.
Ayon sa senador, rehashed issue lamang at paulit-ulit na binabalita, walang pruwebang napapakita. Walang napapatunayan, dahil hindi ito totoo.
“Kung may katotohanan sa sinabi niya at may tunay na pagkakasala kami, dapat noon may nakasuhan na. Lumang tugtugin na ‘yan, estilo nilang bulok para tapunan ng putik ang iba upang magmukhang malinis sila,” sabi pa ni Go.
“Focused ako sa trabaho ko bilang senador. Wala akong ibang pakay kundi magserbisyo at tumulong sa abot ng aking makakaya sa kapwa ko Pilipino. Unahin nalang sana natin ang interes at kapakanan ng ating mga kababayan kaysa ang pamumulitika at paninira sa iba,” ayon pa dito.
