GSIS members, papayagan nang makapili ng magiging benepisyaryo

Rep. Zia Alonto Adiong

Ni NOEL ABUEL

Umusad na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong payagan ang mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) na makapagtalaga ng kanilang napiling benepisaryo.

Sa House Bill No. 9792 ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong o “An Act Amending Presidential Decree No. 1146 as amended by Republic Act 8291 o ang Government Service System Insurance Act of 1997”.

Layunin ng panukalang batas na bigyan ng karapatan ang mga miyembro ng GSIS na makapili ng kanilang benepisaryo sa kawalan ng primary at secondary beneficiaries.

Nakasaad sa Republic Act 8291 na ang primary at secondary beneficiaries lamang ang maaaring makatanggap ng survivorship pension.

Ayon pa sa panukalang batas, nagpapahintulot na sa kawalan ng mga primary at secondary beneficiaries, ang miyembro ay maaaring makapagtalaga ng sinumang benepisaryo nito.

“Sa pamamagitan nito, kinikilala natin ang mga single government employees na dahil sa kanilang debosyon sa public service ay hindi nagkaroon ng pagkakataon na bigyang oras ang kanilang personal na buhay upang makabuo ng sariling pamilya,” ayon sa kongresista.

“Sila ang tumatayong breadwinners, hindi lamang sa kanilang immediate family, kundi pati na rin sa kanilang extended relatives. Mayroon silang mga mahal sa buhay na umaasa sa kanilang ibinibigay na tulong pinansyal at suporta para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan,” paliwanag pa nito.

Dagdag pa ni Alonto, layunin nito na palawigin ang depinisyon ng secondary beneficiaries sa ilalim ng GSIS Law tulad ng nakasaad sa batas ng Social Security Act of 2018 Republic Act 11199, Section 8 (k) na makapagtalaga ang mga miyembro ng kanilang benepisaryo kapag walang primary o secondary beneficiaries.

“Nais natin na maliban o sa kawalan man ng magulang at legitimate descendants, ang miyembro ay may karapatan na pumili ng mapaglalaanan ng tulong bunga ng kanilang taun-taong pagsisikap at sakripisyo sa serbisyong pampubliko para sa taumbayan,” sabi ng kongresista.

Ang panukalang batas ay naglalayong pahusayin ang member-centric na accommodation ng GSIS, na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga miyembro na gumawa ng mga personal na desisyon tungkol sa pamamahagi ng mga benepisyo sa paraang nagpapakita ng kanilang mga halaga at relasyon.

Leave a comment