
Ni NOEL ABUEL
Ipinagpatuloy ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagdinig sa pagbili ng fire truck ng Bureau of Fire Protection (BFP) at pagpapaalala sa mga opisyales nito na tiyakin na mapapaira ang integridad sa lahat ng oras sa kanilang mga transaksyon alinsunod sa Code of Conduct and Ethical Standards.
Sa pagdinig ng Committee on Public Order and Safety na pinamunuan ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez ay batay sa House Resolution 724.
Inusisa ni Fernandez ang BFP hinggil sa pagsisiyasat kay BFP Bids and Awards Committee (BAC) technical working group (TWG) chairperson Supt. Jan Garry Lunas.
Nabatid na bumili umano si Lunas ng isang sports utility vehicle (SUV) mula kay Eric Taguines, empleyado ng F. Cura Industries, ang nanalong bidder sa isang proyekto sa pagbili ng fire truck.
Iniulat ni Fire Chief Supt. Jesus Fernandez, na siyang nanguna sa sarili nilang imbestigasyon na tinanggal na si Lunas sa kanyang tugkulin bilang pinuno ng BAC TWG.
Ayon kay Fire Director Louie Puracan, BFP chief, kasalukuyan pa ring nagtatrabaho si Lunas sa BFP dahil walang pang prima facie evidence na magpapatunay na inimpluwensyahan nito ang ahensya sa proseso ng bidding sa pagbili, at ang mga pasya ng TWG ay alinsunod lamang sa pinal na pagrepaso ng buong BAC.
Sa kabila nito, maghahain pa rin ang BFP ng kasong administratibo laban kay Lunas dahil hindi nito idinekalra ang SUV sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro, walang kamuwang-muwang ang BFP na makita ang kaugnayan ng paglabag sa “No Contact” Rule sa proseso ng bidding kung saan hiniling nito na imbitahan sina Lunas at Taguines sa susunod na pagdinig ng komite.
Nanawagan din ang lupon sa BFP na magsumite ng mga dokumento na may kaugnayan sa kanilang apat pang gagawing pagbili.
Ibinahgi rin ni FCSupt. Fernandez, alinsunod sa mga mungkahi ng komite, na tanggalin ng BFP ang mga mahigpit na kwalipikasyon na walang kaugnayan, upang matiyak ang mga kalidad ng produkto sa bidding requirements.
