Mahalagang papel ng wetlands iginiit ni Sen. Villar

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senador Cynthia Villar ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga wetlands sa buong bansa para makaiwas na dulot ng kalamidad.

Ayon sa senador, bagama’t anim na porsiyento lamang ang inookupa nito sa mundo, mahalaga ang ginagampanang papel ng wetlands gaya ng freshwater supply, habitat provision at climate regulation.

Sa pagkilala sa kanilang kahalagahan, ipinahayag ng senador na may 172 bansa ang nangako sa Ramsar Convention na protektahan ang wetlands sa buong mundo.

Noong 2023, kinilala ang may 2,500 Wetlands of International Importance kung saan walo sa mga ito ang nasa Pilipinas at isa rito ang Las Piñas-Parañaque Wetland Park (LPPWP).

Pinasinayan noong Pebrero 2, ang LPPWP Wetland Center Museum kasabay ng pagdiriwang ng World Wetlands Day 2024.

Inihayag din ng chairperson ng Senate Committee on Environment na tuwing Pebrero 2, ginugunita ang 1971 signing ng Ramsar Convention, na ipinangalan sa Ramsar, Iran, kung saan ito ginanap.

“This global treaty aims to preserve wetlands and raise public awareness on their vital role in biodiversity, climate change mitigation, fresh water provision, and economic support,” ayon sa mambabatas.

Ang iba pang wetlands sa bansa na nasa talaan ng Ramsar ay ang Olango Island Wildlife Sanctuary sa Cebu; Naujan Lake National Park sa Oriental Mindoro; Agusan Marsh Wildlife Sanctuary sa Agusan del Sur; Tubbataha Reefs Natural Park sa Sulu Sea; Puerto Princesa Subterranean River National Park sa Palawan; Negros Occidental Coastal Wetlands Conservation Area sa Negros Occidental at Sasmuan Pampanga Coastal Wetlands sa Pampanga.

Sinabi rin ni Villar na ang Ramsar Sites sa Pilipinas ang naging inspirasyon nito sa pagpapatayo ng Wetland Center sa LPPWP, ang kauna-unahan sa bansa.

“This structure houses this auditorium, a DENR office a BFAR office, the museum we will unveil later, and soon, a coffee shop and a souvenir shop,” ani Villar.

“The design of this Wetland Center was generously provided for free by our PAMB member, Architect Aaron Lecciones of the Society for the Conservation of Philippine Wetlands (SCPW),” dagdag pa nito.

Ayon kay Villar, layunin ng the Wetland Center na magbigay ng kaalaman at pukawin ang interes ng publiko tungkol sa wetlands.

Dismayado si Villar na sa kabila ng “protected status,” nahaharap ang LPPWP sa banta ng reclamation Manila Bay na makasisira sa ecological attributes nito.

Leave a comment