Malalim na talakayan ng Senado tungkol sa Cha-cha tiyakin– Sen. Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Umaasa si Senador Alan Peter Cayetano na magiging malawak ang diskusyon ng Senado tungkol sa panukalang amiyendahan ang ilang probisyon sa ekonomiya ng 1987 Constitution.

Nakatakda ngayong araw (Lunes) na pag-usapan sa Senado ang Resolution of Both Houses No. 6 (RBH No.6) na tatalakay sa mga iminungkahing pagbabago.

Inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri, kasama nina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at Senador Sonny Angara ang RBH 6. 

Ngayong araw, haharapin ang tatlong iminungkahing pagbabago sa ekonomiya kabilang ang serbisyong pampubliko, edukasyon, at advertising.

Sinabi ni Cayetano na mahalagang magkaroon ng balanseng pag-uusap hinggil dito dahil sa maaaring epekto nito sa bansa.

Dagdag ni Cayetano na ang Peoples’ Initiative (PI), na nagdulot ng kaguluhan sa mga miyembro ng Senado at Kongreso, ay hindi dapat masyadong bigyang pansin.

Una nang sinuspinde na ng Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng petisyon para sa PI noong January 30.

Kasunod ng mga naganap sa PI at RBH 6, nagkasundo ang Senado at Kongreso sa isang ceasefire tungkol sa PI nitong February 4. 

Pumayag na rin ang Senado na ihinto ang imbestigasyon nito sa PI.

Leave a comment