Overstaying na South African arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division ang isang overstaying na South African sa lalawigan ng Albay noong nakalipas na Enero 24.

Sa report na tinanggap ni BI Commissioner Norman Tansingco sa mga operatiba ng regional intelligence operations unit sa koordinasyon sa Philippine Air Force Tactical Operations Group-5 (PAF TOG-5), National Intelligence Coordinating Agency-5 (NICA-5), Naval Forces Southern Luzon (NFSL), at local police forces kung saan kinilala ang nasabing dayuhan na si Benjamin Michael Theron, nasa hustong gulang.

Sa impormasyon, naaresto si Theron sa kahabaan ng Sikatuna Street, Brgy. 13 Ilawod West, Legazpi City, Albay.

Ang pagkakadakip kay Theron ay sa bisa ng mission order na inilabas ni Tansingco base sa reklamo ng dating kinakasama nitong Pinay na nagiging pasaway sa nasabing lugar ang dayuhan.

Sa beripikasyon sa record ni Theron, natuklasan na overstaying na ito sa bansa simula nang dumating ito noong 2018 at mula noon ay nag-expire ang visa nito tatlong taon na ang nakalilipas.

Samantala, isa pang dayuhan na nagpakilala bilang employer ni Theron ang nagtangkang manghimasok sa operasyon ng BI ngunit kalaunan nang makita ang mission order laban kay Theron ay umatras ito.

Ipinaliwanag ni BI intelligence division chief Fortunato Manahan, Jr. na ang sinumang indibidwal na nagtatago, kumukupkop, nagtatrabaho sa mga overstaying na dayuhan ay maaaring mapatawan ng parusa dahil sa paglabag sa Philippine immigration act of 1940, na nagbabawal sa pagtatago ng mga ilegal na dayuhan.

Sa kanyang pagkakaaresto, dinala si Theron sa opisina ng BI sa Intramuros para sa booking procedures at ngayon ay nakakulong sa BI warden facility sa Bicutan.

Leave a comment