P300 milyon sa 2024 national budget nakalaan para sa nutrisyon ng mga bata at ina — solon

Sen. Sherwin Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Upang tugunan ang mga pangangailangan sa nutrisyon ng mga bata, may P300 milyon sa ilalim ng 2024 national budget na inilaan para sa mga programang pang-nutrisyon sa murang edad.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, layon ng mga programang ito na sabayan ang Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) at tutukan ang mga fifth- at sixth-class municipalities na may stunting rates na mahigit 15%. 

Magiging benepisyaryo ng mga programang ito ang mga nagbubuntis na nasa peligro ang estado ng nutrisyon at mga batang wala pang limang taong gulang. 

Ang PMNP ay isang proyekto na tatagal ng apat na taon at pinangungunahan ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tutukan ang nutrisyon sa iba’t ibang mga local government units (LGUs).

Sa ulat na pinamagatang Miseducation: The Failed System of Philippine Education,” pinuna ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na kung ihahambing sa 22.3% na global average, ang Pilipinas ang isa sa may pinakamaraming limang-taong gulang na batang apektado ng stunting (26.7%).

 Ang EDCOM II ang nagpanukala ng pondo para sa mga ina at batang may matinding pangangailangan sa nutrisyon.

Aniya sa sa mga naging rekomendasyon ng EDCOM II para sa taong 2024 ang paglalaan ng pondo para sa mga ina at batang nasa peligro ang kalusugan. 

Pinuna rin ng EDCOM II na hindi tuluy-tuloy, mababa ang coverage, at hindi epektibo ang targeting ng mga programang pang-nutrisyon para sa mga batang wala pang limang taong gulang.

Bagama’t nakasaad aniya sa Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act (Republic Act No. 11037) na mandato ng DSWD na pakainin hindi lamang ang mga batang malnourished, pinapakain pa rin ng feeding program ng ahensya ang lahat ng mga bata sa mga day care centers.

 Lumalabas naman sa datos ng Department of Education (DepEd) na 30% ng mga batang lumalahok sa school-based feeding program ang bumabalik sa pagiging “wasted” at “severely wasted.”

Binigyang diin din ni Gatchalian ang mahalagang papel ng mga LGU sa paghahatid ng mga programa para sa feeding at nutrisyon. 

Leave a comment