

Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagdududa si Senador Imee Marcos na maaabot ng Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity ang decommissioning sa lahat na loose fireams mula sa mga miyembro ng armadong grupo sa Mindanao kabilang ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, sa House Concurrent Resolution Nos. 19, 20, 21 22 at Senate Resolution No. 321, sinabi ni Sec. Carlito Galvez Jr. na sa kasalukuyan ay 60 porsiyento pa lamang ang naaabot nito simula noong 2014 hanggang sa kasalukuyan.
Layon ng nasabing resolusyon na bigyan ng amnestiya ang mga miyembro ng mga komunistang grupo at Muslim rebels gayundin ang imbestigasyon sa delay sa decommissioning ng MILF combatants at armas ng mga ito.
Ayon kay Marcos, nagdududa ito na maaabot pa ng OPAPRU ang nalalabing 40 porsiyento bago ang 2025 o sa susunod na eleksyon.
Sa kabilang banda, kinuwestiyon din ni Marcos ang OPAPRU hinggil sa sinabi nitong nasa 4,000 iba’t ibang armas mula sa mga sumukong MILF members 26,000.
“Parang napakatagal na. Nagsimula pa ito noong 2014, sabi nila ang proseso nagsimula 2019, na slow down dahil sa Covid-19 at maraming dahilan. Pero ang akin 5-taon na ilan pa lamang ang nade-decomissioned, totoong bang combatant yan, magkano ang nagastos, bakit 4,000 na baril ang na-surrender,” pag-uusisa ni Marcos.
“ Tapos ang dami-dami pang kaduda-dudang sinasabi ‘yung mga kinalawang na bakal ‘yun lang ang sinurender tapos ‘yung personal firearms na pagkaganda-ganda ‘yung mga baril ng mga sympathizers at kung sinu-sinong mayayaman na sumusuporta sa kanila, eh indi naman sakop,” dagdag pa nito.
Giit pa ni Marcos, malaking kalokohan na 26,000 ang sumukong combatants subalit 4,000 lamang ang naisurender na mga armas na karamihan ay pawang mga luma na.
“Anong kalokohan ‘yan, 26,00 combatants, 4,000 lang ang baril, ano bang bibit nila, palu-palo o batuta, maniniwala ka ba dun?”sabi ni Marcos.
Ganito rin ang sinabi ni Senador Jinggoy Estrada, chairman ng nasabing komite, kung saan sinabi nitong kung sinsero ang MILF na sumuko ay dapat na isurender ng mga ito ang kanilang lahat na pag-aaring mga baril.
“Kung sila ay sincere dapat isoli nila ang lahat ng baril,” aniya.
Sinabi ni Estrada na sang-ayon ito sa sinabi ni Galvez na mas mabuting kunin ang mga rebeldeng MILF na sumuko kahit walang baril dahil sa pangambang sumama ang mga ito sa teroristang ISIS.
“May naririg ako na hindi combatant ang sumuko, kundi matatanda na, at may ulat din na hindi natatanggap ng buo ang P100,000 tinantanggap ng mga sumuko.
Pinagsusumite ng dalawang senador kay Galvez ang mga dokumento ng mga sumuko at nag-surrender ng mga baril upang matukoy kung saan nagkaroon ng pagkakamali.
Hindi rin isinasantabi ng mga senador na posibleng nagkaroon ng iregularidad sa mga datos na isinumite ng OPAPRU kung kaya’t itinakda sa Pebrero 20, 2024 ang susunod na pagdinig ng komite.
