Paglikha ng scholarship hubs aprubado na ng Kamara

Ni NOEL ABUEL

Inaprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education ang panukalang magmamandato sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) na magtatag, magpairal, at magmantine ng Handog na Oportunidad Para sa Edukasyon (HOPE) Centers, o scholarship hubs sa bawat lungsod at munisipyo.

Sinabi ni Quezon City Rep. Ma. Victoria Co-Pilar, may-akda ng House Bill No. 9675 na ang paglikha ng HOPE Centers ay tutugon sa problema ng hindi pagkakapantay-pantay ng akses sa edukasyon.

“The HOPE Centers would ensure the prompt, timely, and efficient delivery of scholarship programs and opportunities by establishing a repository of scholarships offered by different public and private institutions or persons, as well as creating an integrated system of scholarship application,” aniya.

“In the Philippines, the evident reality persists that access to quality education remains a privilege than a right. Inequality of access plagues our educational system, erecting insurmountable barriers before numerous and aspiring Filipino youths,” ayon kay Co-Pilar.

Isinasaad sa panukala na ang HOPE Center ay maaaring itayo sa bawat congressional district sa mga Highly Urbanized Cities.

Ang mga centers ay iuugnay sa mga tanggapan sa rehiyon ng Commission on Higher Education (CHED) para sa pangangasiwa at teknikal na pangangasiwa, habang ang CHED Central Office naman ang mangangasiwa ng national scholarship program network.

Isasailalim ang mga centers sa tanggapan ng mayor o city mayor.

Ang pondo sa operasyon at pagmamantine ng mga HOPE Center ay magmumula sa local government unit internal revenue allotment at iba pang internally generated income, habang ang probisyon sa technical assistance ng center, pagsasanay, at pangangasiwa ay isasama sa taunang badyet ng CHED.

Inaprubahan din ng komite ang: 1) HBs 8012 at 8013, na gagawing regular campuses ang extension campuses ng Southern Luzon State University sa Lungsod ng Lucena at ang nasa munisipyo ng Tiaong, ayon sa pagkakasunod, na parehong nasa lalawigan ng Quezon, na iniakda ni Deputy Speaker David ‘Jay-jay’ Suarez.

At ang HB 8296, na gagawing regular campus ang Malabuyoc Extension Campus ng Cebu Technological University (CTU) sa munisipyo ng Malabuyoc, Cebu, na iniakda ni Rep. Peter John Calderon.

Inaprubahan din ng komite ang pagsasama-sama ng mga sumusunod na panukala: 1) HBs 1762, 3249, 4365, 5628 at 7381, na nagpapaunlad at nagpapalakas ng edukasyong agrikultural at pagsasanay sa bansa sa pamamagitan ng pagsasainstitusyon ng manpower development para sa agricultural entrepreneurship sa post-secondary level, na inikada nina Reps. Marlyn ‘Len’ Alonte, Lex Anthony Cris Colada, Gus Tambunting, Luis Raymund ‘LRay’ Villafuerte Jr., at Patrick Michael Vargas, ayon sa pagkakabanggit.

Gayundin ang HB 3238, na nagtatatag ng pambansang sistema sa agriculture education institutions sa pamamagitan ng paglalagay ng mga mekanismo sa implementasyon, na iniakda nina Tingog party list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.

Leave a comment