Senado pinuri ni Sen. Revilla sa pagpasa sa PNP Org. Reform bill

Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang kanyang mga kasamahan sa Senado sa pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Senate Bill No. (SBN) 2449 o ang “PNP Organizational Reforms Act.”

“Labis po akong nagpapasalamat sa aking mga kasamahan sa Senado, lalung-lalong na sa ating napakahusay na chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na siyang nag-sponsor at nagtaguyod ng ating ating panukala. Tiwala akong magiging malaking tulong ang pagsasaayos ng hanay ng pulisya para mas mapaigting pa ang pagpapanatili ng kabuuang kapayapaan sa ating mga pamayanan,” sabi ni Revilla, na principal author at co-sponsor ng nasabing panukala.

Nakasaad sa SBN 2449 na magbigay ng mga reporma para sa organisasyon sa Philippine National Police (PNP), kabilang ang paglikha ng mga bagong tanggapan tulad ng area police commands sa clustered regional offices para sa inter-regional operations at city police offices sa highly urbanized at independent component cities.

Kasama rin sa panukala na gawing maayos ang special police offices tulad ng Philippine National Police Academy, Strategy Management Center, Human Rights Affairs Office, Peace Process and Development Center, Command Center, Public Information Office, liaison office para sa Office of the President, liaison office para sa Department of the Interior and Local Government, Legislative Affairs Center, at ang Office of the Police Attaché na patuloy na susuporta sa PNP.

Nilalayon din nitong magtatag ng command group na binubuo ng hepe ng PNP, deputy chief ng PNP for Administration, deputy chief ng PNP for Operations, at Chief of the Directorial Staff, na ang mga miyembro ay pipiliin mula sa mga karamihan sa mga senior at kwalipikadong opisyal sa serbisyo.

“Importante kasi na maisaayos natin ang mga opisina sa hanay ng PNP para lalong mas maging episyente at epektibo ang kanilang pagtugon sa kanilang mga tungkulin,” sabi ni Revilla.

“Panahon na para masakatuparan ang repormang matagal nang inaasam ng ating mga kababayan sa ating pulisya. This will be beneficial for the institution and for the people they serve and protect,” pahayag pa nito.

Leave a comment