
Ni NOEL ABUEL
Alinsunod sa direktiba ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, tinalakay ng Kamara ang mga paglabag sa cybersecurity sa mga mahahalagang internet domains ng pamahalaan.
Nagkaisa ang House Committee on Information and Technology (ICT) chairman at Navotas City Rep. Tobias Tiangco at Committee on Public Information, na pinamumunuan ni Agusan del Norte Rep. Jose Aquino III, na talakayin ang mga paglabag sa cybersecurity sa mga websites ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Inilarawan ni Tiangco ang mga nakaraang sunud-sunod na cyberattacks, bilang pampukaw sa pamahalaan na gawing prayoridad ang proteksyon sa digital na imprastraktura ng bansa.
“The recent cybersecurity breaches have further highlighted the pressing need for enhanced security measures and vigilant monitoring to ensure the integrity of our critical information,” ayon kay Tiangco.
Idinagdag ng kongresista na ang mga paglabag na ito ay may kakayahan na pahintuin ang mga mahahalagang serbisyo ng pamahalaan, malagay sa alanganin ang mga sensitibong datos, at lumikha ng delikadong epekto sa pambansang seguridad.
Nanindigan si Tiangco na patuloy na nakikipag-ugnayan ang Kamara sa Department of Information and Communications Technology (DICT), at mga cybersecurity consultants para matugunan ang mga usapin.
Nagpasalamat naman si DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy sa Kamara, sa pagkilala sa pangangailangan na patatagin ang cyber domain ng pamahalaan laban sa mga cyberattacks, at sa pagsuporta sa badyet para sa cybersecurity ng DICT.
Nangako rin si Dy na magsusumite ng ulat sa madalas na pag-atake laban sa opisyal na website ng Kamara.
Itinala ng Philippine National Police (PNP) ang 64,077 kaso ng cyber crime cases na nagpapakita na unti-unting bumaba ang mga kaso mula Marso hanggang Disyembre 2023, na maaaring maiugnay sa pagsasabatas ng SIM Card Registration Law, at ang pinaigting na pagsisikap na palakasin ang kamalayan sa cybercrime.
Ayon kay Police Major General Sidney Hernia, Anti-Cybercrime Group director, alinsunod sa mga utos ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr., inaasikaso ngayon ng PNP ang pagtatayo at pagpapatakbo ng kanilang sariling cybersecurity operations center.
