Warrant vs ex-Pres. Duterte walang katotohanan — Sen. Go

Ni NOEL ABUEL

Isinantabi ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga usap-usapan na naglabas na nf warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan.

Sinabi ni Go na wala itong naririnig o nakitang opisyal na kumpirmasyon ng warrant at iginiit na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas, na umatras sa Rome Statute noong 2019.

Binigyan-diin pa nito na ilang beses nang idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan ang gobyerno sa ICC, na nangangahulugan na ang mga lokal na ahensyang nagpapatupad ng batas ay hindi kikilalanin o tutulong sa ICC sa kanilang mga imbestigasyon.

“Paano nila aarestuhin kung wala namang coordination with local authorities? Pwede ba ‘yun? Paano mo aarestuhin? Sabi nga ni dating Pangulong Duterte, hanapin n’yo s’ya sa Davao City. Paano n’yo siya maaresto du’n without the cooperation of law enforcement agencies?” tanong ni Go.

Nanindigan ang senador na hindi nabigla si Duterte sa warrant ng ICC at inulit na ang kanyang paniniwala at tiwala sa pahayag ni Pangulong Marcos na hindi kikilalanin ng gobyerno ng Pilipinas ang ICC at binanggit na kapwa nanindigan ang kasalukuyang Pangulo at dating Pangulong Duterte na walang hurisdiksyon ang ICC sa bansa.

“So kung walang jurisdiction at walang cooperation na gagawin, paano nila aarestuhin? Papasok ka dito, aarestuhin mo, former president, sa Davao City, without coordination, without cooperation, edi magulo ‘yun,” sabi ni Go.

Samantala, itinanggi rin ni Go ang mga alegasyon na sangkot ito sa anumang ilegal na aktibidad kasama si Duterte, partikular sa umano’y extrajudicial killings.

Iginiit nito na luma at gawa-gawang isyu o ‘fake news’ at hindi ito nakatanggap ng anumang ilegal na utos mula kay Duterte.

Binigyan-diin din ni Go na hinding-hindi ito susunod sa anumang utos ng sinuman kung ito ay labag sa batas.

“Hindi po ako sumusunod ng any illegal order… lalo ngayon na senator po ako. Hindi siya nagbibigay kahit noon pa man ng any illegal order sa akin. Kung meron man po magbibigay ng illegal order sa akin, ‘di ako susunod kahit anong illegal order,” giit pa ni Go.

Leave a comment