
Ni NOEL ABUEL
Isinulong ni Senador Jinggoy Estrada na patawan na lamang ng P5,000 hanggang P30,000 na multa para sa mga mamamahayag, kumpanya ng media o sinumang mapatutunayan na nagkasala sa kasong libelo sa halip na parusa ng pagkakakulong.
Ayon kay Estrada, mas makatarungan na pagbayarin na lamang ng multa ang sinumang mahahatulan ng korte na nagkasala sa kasong libelo kumpara sa pagpapakulong sa mga ito.
“Bagama’t karapatan ng bawat indibidwal ang maproteksyonan kontra sa iresponsableng pag-uulat o komentaryo, sa aking pananaw, hindi isang makatarungang parusa ang kulong para rito. Ang mga pinsalang sibil ay maaaring sapat nang parusa at dahilan para pigilin ang komisyon ng libelo,” ani Estrada sa kanyang inihain na Senate Bill No. 2521.
“Hindi nakatutulong na habang inaatake ang mga mamamahayag, ang ating domestic legal framework ay nagdudulot ng isa pang seryosong banta – ang pagkakakulong dahil sa libel, na sa kasalukuyan ay itinuturing na isang krimen,” dagdag pa ng senador.
Ang libel ay itinuturing na krimen sa ilalim ng Article 353 ng Revised Penal Code (RPC).
Ito ay tumutukoy sa publiko at malisyosong imputasyon ng isang krimen, bisyo, o depekto, totoo man o haka-haka, na may potensyal na makapinsala sa reputasyon ng isang tao, o masira ang alaala ng isang namatay na indibidwal.
Iminumungkahi ni Estrada na imbes na ipakulong, na maaaring tumagal mula sa anim na buwan hanggang sa anim na taon, patawan na lamang ng multang P10,000 hanggang P30,000 ang sinumang mahahatulan na nagkasala sa libelo na ginawa sa pamamagitan ng pagsulat, paglilimbag, radyo, cinematographic exhibition, o anumang katulad na paraan.
Ang pagkakasala at parusa, ayon sa senador, ay kailangang maipatupad sa loob ng anim na buwan mula sa petsa ng unang publikasyon, pagsasahimpapawid, o pagpapakita ng libelous na materyal.
Itinutulak din ng beteranong mambabatas ang P5,000 hanggang P15,000 na multa para sa sinumang mapatutunayan na nagbanta na maglabas ng malisyosong balita o pahayag tungkol sa isang indibidwal o sa kanyang mga magulang, asawa, anak, o iba pang miyembro ng pamilya.
Ang nasabing multa, ayon pa kay Estrada, ay dapat ding ipataw sa sinumang nag-aalok na pigilan ang paglalathala ng isang libelous na pahayag o artikulo kapalit ng pera.
Nais din ng mambabatas na patawan na lamang ng kaparehang multa na P5,000 hanggang P15,000 ang sinumang reporter, editor, o manager ng isang pahayagan o magasin na maglalathala ng mga pribadong impormasyon ng isang tao na nakakasakit sa karangalan, kabutihan, at reputasyon nito kahit na ang naturang publikasyon ay ginawa kaugnay ng o sa ilalim ng pagkukunwari na ito ay kinakailangan sa pagsasalaysay ng anumang judicial o administratibong paglilitis kung saan ang mga naturang katotohanan ay nabanggit.
Itinutulak din ni Estrada ang paglikha ng bagong probisyon sa RPC na nagmamandato sa pagsasampa ng mga kasong libelo na kinasasangkutan ng mga community journalists, publications, o broadcast stations sa mga regional trial courts ng lalawigan o lungsod kung saan ang pangunahing tanggapan o lugar ng nagkasala ay matatagpuan.
Ang terminong “community journalist” at “publication” ay tumutukoy sa medium ng balita na limitado lamang ang sirkulasyon, samantalang ang community broadcast station naman ay tumutukoy sa isang broadcast company na umeere o naririnig o napapanood lamang sa isang partikular na lungsod, lalawigan, o rehiyon lamang.
Ayon sa senador, sa kasalukuyang set-up, ang mga kasong libelo na kinasasangkutan ng mga pampublikong opisyal ay inihahain sa mga trial court sa Metro Manila kung ang opisina ng nasaktang partido ay nakabase sa National Capital Region, o sa mga trial court kung saan matatagpuan ang tanggapan ng nagrereklamong opisyal.
Sa kabilang banda, ang mga pribadong indibidwal ay maaaring magsampa ng mga kaso sa mga trial court kung saan sila naninirahan nang nangyari ang umano’y libelous act.
“Ang sistemang ito ay madalas na inaabuso at nagdudulot ng hindi kinakailangang panliligalig at abala sa mga mamamahayag at organisasyon ng media. Nagsasampa ang ibang reklamo ng mga demanda sa malalayong lugar, na humahantong sa hindi makatarungang pagkakulong o piyansa para sa mga mamamahayag. Kadalasan pa naman ay binabawi o na-di-dismiss ang mga kasong ito,” dagdag pa ng mambabatas.
“Tungkulin ng pamahalaan na magbigay ng sapat na proteksyon sa mga mamamahayag, na sa bandang huli ay magtataguyod ng constitutionally-protected na karapatan sa pagpapahayag. Ang SBN 2521 ay naglalayong i-decriminalize ang libel at limitahan ang lugar ng pagsasampa ng mga kasong libelo,” pahayag pa ni Estrada.
Unang itinulak ni Estrada ang pag-decriminalize ng krimeng libel noong 2004 sa ilalim ng 13th Congress at muling inihain noong 14th 15th, at 16th Congress.
“Nakakalungkot na sa kabila ng malinaw na panawagan ng mass media organizations at human rights groups na amiyendahan ang mga umiiral na batas sa libelo, nananatili pa rin ang mga ito. Ang mga pagsisikap na baguhin ang mga umiiral na batas upang palakasin ang kalayaan sa pamamahayag ay nalulugmok na sa Senate legislative mill sa loob ng dalawang dekada mula noong una kong inihain ang panukalang batas na ito,” paliwanag pa ni Estrada.
