4 US nationals na sex offenders hinarang ng BI

Ni NERIO AGUAS

Apat na US nationals na pawang mga sex offenders ang pinigilan ng Bureau of Immigration (BI) na makapasok sa bansa.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang apat na US nationals ay hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at agad na pinabalik sa kanilang port of origin.

“We have been turning them away one after the other, yet they keep on coming here. But we will not relent because it is our duty in the BI to prevent the Philippines from being a hub of sex tourism,” ayon sa BI chief.

Nauna rito, iniulat ni Tansingco na hinarang ng mga tauhan ng BI port ang pagpasok ng 171 foreign sex offenders noong 2023, na pawang naka-blacklist at pinagbawalan nang makapasok sa bansa.

Isa sa unang hinarang ng BI si Herbert Nelson Price, 61-anyos, sa NAIA Terminal 1 matapos dumating mula Los Angeles sakay ng Philippine airlines flight.

Sa record mula sa US government, si Price ay nahatulan ng Wisconsin court dahil sa kasong sexual battery ng biktima nitong 21-anyos na babae.

Samantala, noong Pebrero 7, 2024 nang maharang si Thomas Dewey Wise, 68-anyos, sa NAIA Terminal 3 na dumating sa bansa sakay ng Cathay Pacific flight mula Hong Kong.

Iniulat sa North Carolina na hinatulan ng korte si Wise noong 1997 sa kasong indecent liberties o paggawa ng mahalay o imoral na gawain sa isang bata na wala pang 16 taong gulang.

At noong Pebrero 8, pinigilan namang makalusot sa NAIA Terminal 1 ang isa pang dayuhan na si Keith Knight Bonzon, 65-anyos, matapos lumapag ang Korean Airlines flight mula Incheon, South Korea.

Sinasabing si Bonzon ay nahatulan ng US court sa kasong sexual assault ng biktima nitong 23-anyos na babae matapos pasukin ang tahanan ng huli.

Pebrero 10 naman nang mapigilan si John Kenneth Wilsher, 60-anyos, na makalusot sa BI matapos dumating sakay ng Korean airlines flight mula Incheon, South Korea.

Nabatid na hinatulan si Wilsher noong 1988 ng kasong criminal sexual conduct in the 1st degree sa estado ng Michigan.

Ang apat ay agad na pinasakay sa sumunod na available na flight pabalik sa kanilang bansang pinagmulan at naisama na sa listahan ng BI ng mga naka-blacklist na dayuhan ang mga ito.

Leave a comment