Hinihinalang foreign terrorist naharang ng BI sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Belgian nationals na kinabibilangan ng miyembro ng foreign terrorists bago pa makapasok sa bansa.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tangsingco ang nadakip na 31-anyos na dayuhan, na sadyang itinago ang pagkakakilanlan dahil sa usapin ng seguridad, ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong nakalipas na Pebrero 7.

Nabatid na ang pangalan ng nasabing dayuhan ay nasa interpol list ng pinaghihinlaaang foreign terrorists.

Sinabi ni Tansingco na ang Belgian na lalaki ay dumating sa bansa sakay ng Etihad flight mula Abu Dhabi at agad na pinabalik sa pinanggalingan nito.

Nabatid na ang kasama ng naturang dayuhan, na isang 27 taong gulang ay pinabalik din dahil sa pagsama sa una.

Ayon kay Tansingco, ang lalaking Belgian ay inilagay sa exclusion matapos makita ng BI officer na nakalagay sa Interpol derogatory check system ang pagkakakilanlan nito.

Sa ginawang beripikasyon ng BI’s Interpol unit, natuklasan na ang Belgian ay subject ng diffusion notice na inilabas ng Interpol sa umano’y pagkakasangkot sa terorismo.

Agad na inilagay sa BI blacklist ang pagkakakilanlan ng nasabing dayuhan upang hindi na makabalik pa sa bansa.

Leave a comment