PBBM pinuri ng mga mambabatas sa desisyon sa pag-amiyenda sa Konstitusyon

Pangulong Ferdinand”Bongbong” Marcos Jr.

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng suporta ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang paninindigan ng administrasyon hinggil sa pag-amiyenda sa Konstitusyon ay limitado lamang sa usapin ng ekonomiya, o ang mga usaping magpapalakas ng ekonomiya ng Pilipinas.

Ipinaabot ni Marcos ang kanyang posisyon sa kanyang talumpati noong ika-8 ng Pebrero sa Constitution Day event ng Manila Overseas Press Club (MOPC) at ng Philippine Constitution Association (Philconsa).

Ayon kay Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez, ang mensahe ng Pangulo ay patunay lamang ng mga pagsisikap ng Kamara na pinangungunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, at ang pagtatanggol sa mga walang katotohanang paratang at kasinungalingan hinggil sa intensyon sa pagsusulong ng mga amiyenda sa Konstitusyon.

Pinagtibay rin ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na ang Kamara ay tutupad sa pasya ng Pangulo sa pag-amiyenda ng charter.

“The House will follow the President, period. So let there be no other ambiguity about it, of the direction of what the House will do. We will follow the President in his latest speech at the MOPC,” ani Salceda.

“Lagi sinasabi sa lahat ng analyses, sa lahat ng countries sa buong mundo, ang Pilipinas ang pinakamasikip pasukin dahil nga we are the third most restrictive economy in the world. And all those restrictions are in the Constitution. “Yan ang problema. Ang talo natin Libya, Algeria, Palestine, ‘yun lang,” ayon pa kay Salceda, chairman ng Committee on Ways and Means.

Idinagdag nito na ang Pilipinas ang tanging bansa sa Asya na may naitalang 5 porsiyentong pagkasawi dahil sa malnutrisyon.

Ipinunto ni Salceda na ang mataas na antas ng kahirapan ng bansa ay isang katibayan na ang mga kasalukuyang probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon ay hindi na napapakinabangan ng sambayanang Pilipino.

“Masayang-saya na ako na may gumagalaw na sa Senado. At sana pagdating dito sa House ay magkakaroon tayo ng isang vigorous discussion,” aniya.

Ikinuwento naman ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, isa ring ekonomista, na nabasa nito ang transcript ng panayam kay Senador Sonny Angara, na sinabi na ang talakayan sa Charter change ay maaaring matapos sa buwan ng Oktubre, at mas mainam aniya kung matatapos ito ng mas maaga.

Binanggit ni Quimbo na ang paglago ng Foreign Direct Investments (FDIs) sa bansa ay hindi nakakahabol sa mga nakamit na paglago ng ekonomiya sa nakaraang dekada.

Sinabi nito na ang bansa ay nakatanggap ng USD83.5 bilyon sa gross FDI inflows, at mas mababa sa mga kapit-bansa sa ASEAN na Indonesia at Vietnam, na nakahikayat ng USD220 bilyon at USD137 bilyon, ayon sa pagkakasunod.

“These figures make a compelling case for embracing a more open economy. Pag dumami ang ganitong foreign-owned firms sa ating bansa, dadami ang trabaho at tataas ang sahod,” sabi nito.

Leave a comment