Proteksyon at tulong sa mga waste workers isinulong ni Rep. Villar

Rep. Camille Villar

Ni NOEL ABUEL

Iminungkahi ni Deputy House Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar ang pagtatatag ng isang programa na naglalayong protektahan at magbigay ng tulong pangkalusugan at pinansyal sa mga basurerong manggagawa sa buong bansa.

Sa ilalim ng House Bill No. 9806, o ang Waste Workers’ Health and Welfare Act ni Villar, ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay itatalagang magtatatag at mangangasiwa sa Waste Workers’ Health and Welfare program na idinisenyo upang pangalagaan at isulong ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa sa basura sa bansa.

Ang waste workers ay tumutukoy sa mga taong nakikibahagi sa pangongolekta, transportasyon, pagproseso, at pagtatapon ng solid waste, kabilang ang mga tagakolekta ng basura, mga namumulot ng basura, mga recycler, at mga manggagawa sa landfill at dumpsites.

“They play a vital role in solid waste management… and contribute greatly in protecting the environment. Despite their importance, waste workers are some of the most under-appreciated and unprotected workers,” ayon kay Villar.

Sinabi ng mambabatas na ang iminungkahing Waste Workers’ Health and Welfare program ay dapat magkaloob sa mga waste workers saklaw at benepisyong pangkalusugan, pagsasanay sa kaligtasan sa trabaho, personal protective equipment, tulong pang-edukasyon at pinansyal, at iba pang benepisyo.

Ang programa ay dapat magkaroon ng Registration and Monitoring System kung saan ang mga pangalan ng lahat ng mga manggagawa sa basura sa bansa ay ilalagay sa isang database para sa mga layunin ng saklaw sa ilalim ng programa.

Ang lahat ng benepisyaryo ay pagkakalooban ng isang pakete ng mga benepisyo sa healthcare benefits, kabilang ang libreng taunang pagsusuri, pagbabakuna, at tulong sa pagpapaospital, sa pakikipagtulungan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ang mga regular na programa sa pagsasanay sa mga pamamaraan at wastong paggamit ng mga personal na kagamitan sa proteksiyon upang mabawasan ang mga panganib na nauugnay sa paghawak ng basura ay dapat ding maging available sa lahat ng mga benepisyaryo, na bibigyan din ng angkop at sapat na personal na kagamitan sa proteksyon nang walang bayad ng kanilang mga employer o ahensya.

Iminungkahi rin ni Villar na bigyan ng priority access ang mga waste workers at kanilang mga dependents sa educational assistance programs at scholarship grants.

Ang DOLE, sa pakikipagtulungan ng mga kwalipikadong institusyong pampinansyal, ay dapat ding magkaloob sa mga waste workers ng mababang interes na pautang para sa pabahay, emergency situations, o pagtatatag ng mga negosyong napapanatiling kabuhayan.

Ang pagpopondo para sa pagpapatupad ng iminungkahing Waste Workers’ Health and Welfare Act ay dapat isama sa taunang badyet ng DOLE gayundin ang mga donasyon, kontribusyon, at iba pang anyo ng tulong.

“We should all work together to promote the health, safety, and welfare of waste workers throughout the country. Let us recognize the critical role that they play in maintaining the cleanliness and sustainability of our communities,” sabi ni Villar.

Leave a comment