
Ni NOEL ABUEL
Umapela ang isang kongresista sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na tulungan ang mga mangingisdang overseas Filipino workers (OFWs) sa Hawaii na nagtitiis sa sitwasyon ng mga ito.
Sa privilege speech ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, iminungkahi nito sa DFA at DMW na pagtuunan ng pansin kung maaaring mabigyan ng employment visa ang naturang mga mangingisdang OFWs sa Hawaii sa pamamagitan ng labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos.
Aniya, nababahala ito sa kinakaharap na hamon ng mga Filipino fishermen sa Hawaii na sa ngayon ay walang hawak na US employment visas sa ilalim ng “special arrangement”.
“The Philippine consulate in Hawaii estimates that out of a total 750 fishermen involved in the arrangement, roughly 65% are Filipinos. A lot of them have been employed in the industry for many years already. While acknowledging the generally favorable working conditions,” ayon pa kay Rep. Magsino, na nagsabing limitado ang kalayaan at kilos ng mga ito.
Mabuti na lang aniya at nagsasagawa ng regular missions ang Migrant Workers Office (MWO) ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Los Angeles at ang Philippine Consulate, na nagbibigay ng medical services, pagkain at damit sa mga apektadong OFWs.
“Maituturing naman natin na maayos ang kanilang kalagayan sa mga aspeto ng kanilang pagtatrabaho sa Hawaii bilang mga mangingisda subalit mahirap ang kanilang sitwasyon na hindi nakakalabas o nakakapasyal man lamang sa labas ng port of Honolulu at higit sa lahat, wala silang akmang seguridad sa trabaho at proteksyon sa mga karapatan bilang mga OFWs,” pahayag pa ni Magsino.
Samantala, maliban sa mga OFWs sa Hawaii, kasama rin sa binabantayan ni Magsino ang mga OFWs sa Hong Kong, Malaysia, South Korea, at Indonesia para mabigyan ng kaukulang tulong.
Gayundin ang mga OFWs sa United States at sa Dubai, United Arab Emirates kung saan tinatayang nasa 500,000 mga OFWs dito ay may hawak lamang na tourist visa.
Bukod pa rito, tinalakay ni Magsino ang mga hamon na kinakaharap ng mga batang ipinanganak sa labas ng kasal sa mga OFW sa UAE na kadalasang nagtatago kahit hanggang makapag-aral.
“Ang OFW Party List ay hindi mapapagod sa paglalakbay sa iba’t ibang lupain kung nasaan nagsusumikap at nangangarap ang ating mga OFWs upang tuklasin, alamin at suriin ang mga suliraning nagpapahirap sa kanila at nagbabantang wakasan ang kanilang magagandang pangarap. Tayo rin ay patuloy na makikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya ng ating pamahalaan upang tuparin at tumalima sa mandatong kalingain, ayudahan, bantayan at proteksyunan ang mga karapatan at kapakanan ng ating mga OFWs at kanilang mga pamilya,” paliwanag pa ni Magsino.
