80 body camera at 30 bagong sasakyan ipinagkaloob ng Caloocan local government sa CCPS at PSTMD

Ni JOY MADELINE

Nagkaloob ng 30 bagong motorsiklo at walong mobile patrol vehicles ang pamahalaang lungsod ng Caloocan para palakasin ang patrol operations ng Caloocan City Police Station (CCPS) at Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD).

Kasabay ng mga bagong sasakyan, nakatanggap din ang mga operatiba ng PSTMD ng mahigit sa 80 set ng body camera na gagamitin sa araw-araw na operasyon ng trapiko, lalo na sa mga interaksyon at contact apprehension ng mga nagkakamaling motorista.

Nanawagan si City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa mga alagad ng batas ng lungsod na i-maximize ang paggamit ng mga bagong sasakyan at kagamitan upang matiyak ang kaligtasan ng pangkalahatang publiko, lalo na sa pagsapit ng gabi.

“Ang mga bagong sasakyan at kagamitan po na ito ay dulot ng paghahangad ng pamahalaang lungsod na magkaroon ng kapanatagan ang mga mamamayan na ligtas sila sa ating lungsod lalo na sa gabi, kaya po tinatawagan ko po ang ating kapulisan at iba pang operatiba na maging maayos ang paggamit sa mga ito,” pahayag ni Malapitan.

Inaasahan din ng alkalde ang wastong paggamit ng mga body camera sa pagsasaayos ng trapiko at hahantong sa mas matapat na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga ahente ng trapiko ng lungsod at mga motorista.

“Malaking tulong po ang pagkakaroon ng body cams dahil batid po natin na kailangan ng proteksyon ng ating mga traffic enforcers sa kanilang araw-araw na trabaho, bukod pa sa layunin na tuluyang wakasan ang mga tiwaling transaksyon kung saan napapawalang-sala ang mga lumalabag sa batas trapiko,” ayon pa sa local chief executive.

Leave a comment