
Ni NOEL ABUEL
Ikinokonsidera ni Senador Sonny Angara na isagawa ang susunod na pagdinig sa economic Charter change (Cha-cha) sa labas ng Metro Manila upang marami ang lumahok sa pagdinig at debate.
Sa panayam ng mga mamamahayag, binanggit ni Angara na bukas si Senate President Juan Miguel Zubiri sa ideya na magsagawa ng mga pagdinig sa Visayas at Mindanao sa pag-amiyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Iminungkahi pa ni Angara ang mga potensyal na lokasyon para sa mga pagdinig na ito, kabilang ang mga lungsod tulad ng Cagayan de Oro, Cebu, Iloilo, o Bacolod.
Gayunpaman, sinabi ni Angara ang pangangailangang konsultahin muna ang mga senador at tiyakin ang kanilang availability upang maiwasan ang pagsasayang na pagsisikap at mapakinabangan ang bisa ng mga susunod na pagdinig sa pamamagitan ng paghingi ng input mula sa lahat ng stakeholders.
Binigyan-diin ni Angara ang pangangailangan para sa sama-samang dayalogo sa buong bansa, at kahalagahan ng pagtiyak na ang boses ng lahat ng mamamayan ay maririnig.
“Maganda ito para sa ating mga kababayan dahil naririnig nila ang mga argumento, makapag-isip din sila at sana mag-debate din sila among themselves kung ano ang tama,” ani Angara.
Noong ikalawang pagdinig ay nakasentro sa mga talakayan tungkol sa mga pagbabago na may kaugnayan sa mga pampublikong kagamitan at serbisyo, partikular na nakatuon sa mga probisyon na nakabalangkas sa Section 11 ng Article XII ng 1987 Constitution.
Sinabi ni Angara na magkakaroon ng isa pang pagdinig na nakatuon sa pagtalakay sa isyu ng mga public services bago isulong ng panel ang mga iminungkahing pag-amiyenda na may kaugnayan sa economic provisions sa educational institutions at advertising.
Samantala, binanggit ni Angara ang makasaysayang kahalagahan ng kasalukuyang mga talakayan sa economic Cha-cha at ang potensyal na epekto nito sa mga susunod na henerasyon, anuman ang resulta ng mga boto sa Senado.
“Like I said, it’s the first time na pinag-usapan natin ito. So, ‘pag hindi nagtagumpay dito, hindi natin nakuha ‘yung 18 boto, nariyan ang records. So, future generations can decide kung napapanahon na o hindi pa napapanahon—babalikan at babalikan nila ito kaya sinisiguro natin na komprehensibo at magagaling ‘yung mga kinukuha nating resource persons,” paliwanag ni Angara.
