
Ni NOEL ABUEL
Inaprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education ang paglikha ng technical working group (TWG) na nakatakdang magbalangkas ng substitute bill sa anim na panukala sa Kamara na naglalayong amiyendahan ang Presidential Decree 1341, o mas kilala sa charter ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Ayon kay Baguio City Rep. Mark Go, chairman ng komite, ang pagsasama-sama ng mga panukala ay naglalayong gawin ang PUP, na magdiriwang ng kanilang ika-120 anibersaryo ngayong taon, bilang unang National Polytechnic University of the Philippines na may institusyonal at fiscal autonomy.
Ipinaliwanag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, may-akda ng House Bill 8860, na ang kanyang panukalang amiyenda ay natuon sa pagtiyak na ang PUP ay manatiling may saysay at epektibong institusyon, na nakatutok sa pagbibigay ng kalidad na edukasyon, nagpapaunlad ng mga pagbabago at nagbabahagi ng kaunlaran sa bansa.
Idinagdag nito na ang layunin ng panukala ay alinsunod sa mga gabay na prinsipyo ng Section 1, Article XIV ng 1987 Konstitusyon, na nagsasaad na, “The State shall protect and promote the right of all citizens to quality education at all levels, and shall take appropriate steps to make such education accessible to all.”
Ang HB 8860 ay iniakda rin nina Tingog party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.
Maliban sa HB 8860, ang iba pang mga panukala ay ang mga HBs 8829, 9060, 2363, 6790 at 6973, na iniakda nina Reps. Edwin Olivarez, Rep. Erwin Tulfo, Charisse Anne Hernandez, Lordan Suan, at Ching Bernos na naglalayong maglagay ng mga PUP campus sa ilang bahagi ng bansa.
