eTravel registration free of charge — BI

Ni NERIO AGUAS

Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa bumibiyaheng publiko laban sa mga scammers na nagpapatakbo ng mga websites na naniningil at nangongolekta ng mga bayarin para sa pagpaparehistro sa electronic travel declaration system ng gobyerno na kilala bilang eTravel.

Sa isang pahayag, binigyan-diin ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang pagpaparehistro sa eTravel platform ay walang bayad at dapat mag-ingat ang mga manlalakbay sa mga naniningil ng bayad mula sa mga pasahero sa pamamagitan ng mga pekeng website na ito.

“The eTravel registration process is absolutely free of charge. We, therefore, advise the traveling public to register only in the government’s official website at https://etravel.gov.ph.,” ayon kay Tansingco.

Hinikayat nito ang publiko na mag-ingat sa nasabing mga mapanlinlang na website o entity na nangangailangan ng anumang uri ng online payment at iulat ang mga ito sa cybercrime investigation and coordinating center (CICC) sa pamamagitan ng website nito sa https://cicc.gov.ph/report/.

Inilabas ng BI chief ang babala kasunod ng mga ulat ng mga pasahero sa mga paliparan na nagsasabing sila ay nakarehistro na sa eTravel platform at nagbayad ng mga dapat bayaran na sinisingil sa kanila.

Nasa pagitan ng P3,000 hanggang P5,000 ang halagang nakolekta umano sa mga pasahero, dahil karaniwang US dollars ang sinisingil ng mga scammers.

Iniulat ng BI officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na may mga pagkakataon ng maraming pasahero na nagulat nang ipaalam na kailangan ng mga itong magparehistro sa eTravel dahil ang digital QR code na kanilang ipinakita ay hindi ma-access sa system.

“It is only when they encounter our officers at the airport that these passengers would realize they have been duped by these fraudsters and scammers in the internet,” ani Tansingco.

Ang eTravel ay inilunsad noong unang bahagi ng taon, at nagsisilbing nag-iisang platform sa pagkolekta ng data para sa mga darating at papaalis na pasahero.

Nagtatatag ito ng integrated border control, health surveillance, at economic data analysis.

Ito ay joint project ng Department of Tourism (DOT), ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ng Bureau of Quarantine (BOQ), ng Bureau of Customs (BOC), ng Department of Health (DOH), ng Department of Transportation (DOTr), ng Department of Justice (DOJ) at ng National Privacy Commission (NPC).

Leave a comment